NAPANGITI na lang kami roon sa kuwento ng komedyanteng si Ai Ai delas Alas. Noon daw panahong ang pelikula niya ay puro malalaking hits, at ang tinutukoy niyang panahon ay noong sunod-sunod pa ang kanyang Tanging Ina series, basta nagkasakit siya ang dami-daming nagpapadala ng mga bulaklak sa ospital.
Kasi noong mga panahong iyon, madalas pa siyang atakihin ng asthma, at sa ospital nakatambak ang napakaraming bulaklak na ipinadadala ng kanyang mga kaibigan.
Ang sinasabi ni Aiai, nitong naospital siya lately, ang nagpadala na lang ng bulaklak ay iyong mga tunay niyang kaibigan. Ibig sabihin, siguro iilan na lang. Ang sentimyento ni Aiai, kung magiging malaking hit kaya ang kasunod niyang pelikula, darami ulit ang kanyang mga kaibigan?
Kami naman, ang gusto sana namin ay maisip kung ano ang mas maganda. Baka naman iyong mga kaibigan niya ay nariyan pa rin, pero alam nila na kung minsan iyang mga bulaklak ay nagiging dahilan din para magkaroon ng allergy na siyang nagpapalala sa asthma. Baka naman iyon ang dahilan kung bakit kaunti na lang ang nagpadala sa kanya ng bulaklak.
Pero may isa pang katotohanan na dapat nating tanggapin. Ganyan talaga ang buhay sa showbiz. Everybody loves a winner. Basta nasa itaas ka, para kang asukal na dinudumog ng mga langgam. Basta nasa ibaba ka na, pasensiya ka.
Noong isang araw nga, iyan din ang pinag-uusapan namin ng ilang editors na kaibigan namin. Kahit na anong gawin mo sa showbiz, pagdating ng panahon na wala na silang pakinabang sa iyo, hindi ka na kilala ng mga iyan. Pare-pareho iyan. Of course mayroon pa ring exemption to the rule, pero siguro isa lang sa isang libo iyon.
Huwag na kayong maninibago pa kung nagkakaroon na ng pagbabago ang inyong katayuan sa buhay.
HATAWAN
ni Ed de Leon