Monday , December 23 2024

‘Swing’: 29 Volvo trucks naglaho sa Port of Cebu?

PINAYOHAN ni Sen. Richard “Dick” Gordon si bagong Bureau of Customs (BoC) Com­missioner Rey Leonardo Guerrero sa ginanap na pagdinig ng Senado sa naglahong P11-B shabu shipment na pina­nini­walaang nakasilid sa apat na magnetic lifters na natunton ng Philippine Drug Enforcement A­gen­cy (PDEA) sa GMA, Cavite.

Binalaan ng mambabatas si Guerrero nitong November 22 na mag-ingat at hindi dapat basta magtiwala sa mga tiwaling tauhan ng Customs, payo ni Gordon sa kanya:

“I am already cautioning you and advising you as a friend, customs is a very treacherous, very dangerous, and very, very difficult position because you will be tempted every day, every second, every moment, and your own people will try to run rings around you and will try to get you to accept dirty money.”

Pero hindi pa natutuyo ang laway ni Gordon sa kanyang babala kay Guerrero, kumakalat na parang apoy ang balita na may milagro umanong nangyari sa Port of Cebu, kamakailan.

Bale ba, malaking problema na dinatnan ni Guerrero ang naiwang dilemma ni dating com­missioner at ngayo’y Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Isidro Lapeña na tumatak sa Customs bunsod ng P11-B shabu shipment.

Kaya naman basta’t may bulilyaso ay ‘di maiiwasan na laging mapagdudahan ang Cus­toms.

Ang ‘di lang natin tiyak ay kung nakarating na sa kaalaman ni Guerrero ang paksang usap-usapan sa umano’y “swing” ng mga mamahaling truck sa nabanggit na puerto.

Sabi nga, ‘pag may usok ay may apoy na pinagmumulan kaya’t dapat paimbestigahan agad ni Guerrero ang umaalingasaw na paglalaho ng 29  mahahabang VOLVO trucks na naipuslit sa Port of Cebu na ni singkong duling ay walang napala ang pamahalaan sa mga kaukulang buwis na dapat pagbayaran.

Siyempre kung lugi ang pamahalaan, hindi na kailangan pagtalunan na may matitinik sa Customs at kasabwat ng mga smuggler ang kumikita basta’t may milagro.

Ang mas masaklap ay kapag nagawa pang maiparehistro ang smuggled trucks sa Land Transportation Office (LTO) at Land Tran­sportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) kahit walang certificate of payment mula sa Office of the Commissioner (OCOM).

Aba’y, malaking insulto at kahihiyan ‘pag nangyari ‘yan, Comm. Guerrero, sir!

ANG DALAWANG
MAGNANAKAW
NA POLITIKO
SA METRO MANILA

DALAWANG politiko na kapwa tumatakbong alkalde sa Metro Manila ang balitang lihim na nagpulong kamakailan at nagkasundong magsa­nib puwersa laban sa isa nilang malakas na makakalaban.

Ang dalawa ay dating magkasama laban sa isang mayoralty candidate pero hindi nagtagal, sa mapait na paghihiwalay ng landas nauwi ang kanilang samahan matapos umasim ang relasyon dahil sa panlalamang sa isa’t isa.

Partehan sa pangungurakot sa kaban ng lung­sod ang bumasag sa riding-in-tandem ng dalawa at ang hindi pagtupad sa mga pangako na kanilang napagkasunduan.

Para sa mga nagsawa na sa dalawang poli­tiko na kambal sa pagnanakaw at panloloko sa mga botante, mukhang hindi na magkakatotoo ang inaasahang paglalabasan nila ng baho laban sa isa’t isa bago ang 2019 midterm elections sa Mayo.

Sa naganap na pulong ay napagalaman na nagkasundo raw ang dalawa na isantabi ang hidwaang namagitan sa isa’t isa at sa halip ay magsanib-puwersa na pagtulungan ang malakas nilang makakatapat na kandidato oras na nagsimula na ang kampanya.

Napagkasunduan ng dalawa na palabasin na magkalaban sila para magmukhang makatoto­hanan ang dating sa mga botante at hindi maha­lata sa mga pakakawalang paninira laban sa kalabang kandidato.

Palibhasa ay pareho silang marunong umarte kaya’t drama ang magiging batuhan nila ng mababa­baw na isyu at nagkasundo rin na iiwa­sang mabanggit ang totoong mga isyu laban sa kanila na may kinalaman sa pagnanakaw tulad ng “plunder,” scam sa “ghost employees,” at “ghost deliveries,” “pangangamkam sa naiben­tang properties,” at ghost barangays” sa lungsod, sabi ng impormante.

Pumayag daw ang isa matapos makatanggap ng “advance payment” mula sa incumbent re-electionist na nangakong magbibigay ng malaking pondo.

Ang desperadong kasunduan ng dalawa ay bunsod ng magkakasunod at magkakahiwalay na resulta ng mga survey na kanilang binayaran na kumain sila ng alikabok sa laki ng agwat ng makakalabang kandidato sa kanila.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *