GINISA ng ilang senador ang Bureau of Immigration (BI) at ang Department of Labor and Employment ( DOLE) sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Labor, sa pangunguna ni Senador Joel Villanueva, ukol sa pagdagsa ng Chinese illegal workers sa bansa.
Ayon sa pagdinig, base sa pag-amin ni DOLE Usec. Ciriaco Lagunzad, umabot sa 150,652 Chinese ang nag-apply sa kanila ng Alien Employment Permit (AEP) noong mga taon 2016 at 2017.
Ngunit lumabas na 50,000 lamang ang naaprobahan ng BI noong 2017 at 2018 para magkaroon ng working permit base sa pag-amin ni BI Chief Prosecution and Legal Assistance Atty. Homer Arellano.
Ang naturang work visa ay may expiration na isa hanggang dalawang taon.
Dahil dito, ginisa nina Senador Villanueva at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang DOLE at BI na tila may kapabayaan.
Sa kabila na 50,000 lamang ang nabigyan ng work permit sa 150,652 nag-apply ng AEP, dagsa ang Chinese nationals na nakikitang nagtatrabaho sa bansa partikular sa area ng mga lungsod ng Pasay, Makati at Parañaque.
Sinabi ni Villanueva, dahil sobrang dagsa ang Chinese na nagtatrabaho malapit sa MOA sa Macapagal Road sa Pasay City, para aniyang may people power ang mga Chinese sa lugar.
Puna ni Villanueva, maraming Filipino ang walang trabaho ngunit dagsa ang Chinese workers na nagtatrabaho sa Filipinas.
Lumabas din sa pagdinig na nagbabayad ang mga Chinese nationals ng P5K para sa AEP sa loob ng isang taon at karagdagang P4K sa renewal bawat taon.
Nairita si Senadora Grace Poe sa BI nang aminin ng ahensiya na nakapagbigay sila ng 119,000 special working permits sa Chinese nationals.
Ani Arellano, ang nabigyan ng special working permit na three to six months ay tulad ng mga nagko-concert at PBA players.
Ngunit duda si Poe na hindi lahat ng 119,000 nabigyan ng special working permit ay nagko-concert at PBA players.
Lumabas din sa pagdinig na may kapabayaan at hindi namo-monitor ng BI at DOLE ang mga nagtatrabahong Chinese nationals sa bansa.
(CYNTHIA MARTIN)