Saturday , November 23 2024
Pingkian LOGO Ruben Manahan III copy
Pingkian LOGO Ruben Manahan III

Pagbaha ng imported na bigas, ginhawa o parusa?

BABAHA nang murang bigas.
Ito ang pagtitiyak ng gobyerno matapos aprobahan ng Senado at Kamara de Representantes sa Bicameral Conference Committee kamakailan ang Rice Tariffication Bill. Matapos ratipikahin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala, pipirmahan na ito ng Pangulong Duterte para maging ganap na batas.
Pero bago tayo maglulundag sa tuwa, mainam sigurong tanungin muna natin kung ano bang klase ng bigas ang babaha sa merkado sa mga susunod na buwan. Batay kasi sa mga balitang natatanggap natin, hindi naman nadaragdagan ang produksiyon natin ng palay mula sa mga sakahan. Kung walang dagdag na produksiyon, saan naman manggagaling ang murang bigas?
Malinaw ang isinasaad sa Rice Tariffication Bill. Darami ang bigas sa Filipinas dahil paluluwagin ng gobyerno ang regulasyon ng imported na bigas.
Ibig sabihin, imported na bigas ang babaha sa Filipinas sa mga darating na araw. Napilitan ang gobyerno na luwagan ang pag-aangkat ng bigas dahil na rin sa kakulangan ng suplay nito sa merkado. Sa nakalipas na mga buwan, naging normal na tanawin ang pila ng mga taong pumipila sa murang bigas. Mula Aparri hanggang Jolo, problema ang suplay ng murang bigas. Maraming itinuturong dahilan kung bakit nagkaroon tayo ng krisis sa suplay ng murang bigas.
Kung tatanungin ang gobyerno, kasalanan ito ng rice traders na nagmamanipula ng presyo ng bigas. Para sa rice traders naman, ang National Food Authority ang dapat sisihin dahil hindi nito ginagawa nang tama ang trabahong iniatang sa kanila. Sa kabila ng pagtuturuang ito, iisa ang katotohanan na hindi mapapasubalian, mahina ang produksiyon natin ng bigas mula sa mga sakahan. Hindi sapat ang inaaning palay para mapakain nang sapat ang pamilyang Filipino.
Sa talaan ng Philippine Statistics Authority, makikitang bumagal ang produksiyon natin ng palay magmula Abril 2018. Dahil dito, naging negatibo (-1.4) ang antas ng pag-unlad sa produksiyon ng palay mula 4.150 million metric tons tungo sa 4.090 million metric tons mula April hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Patuloy ang pagdausdos ng produksyon natin ng palay sa mga sumunod na buwan at bumagsak ito sa -5.70 mula Hulyo hanggang Setyembre. Tinatantiyang matatapos ang taong 2018 na negatibo pa rin (-2.32) ang antas nito.
Ayon sa mga eksperto, bawat Filipino ay kumukonsumo ng 114 kilo ng bigas bawat taon. Dahil umabot nang 102.7 milyon ang bilang ng Filipino noong 2016, kinailangan natin ng 11.7 million metric tons bigas. Sa taong 2022, malamang na pumalo ang pangangailangan natin sa bigas sa 112 million metric tons.
Sa harap nang ganitong pagsubok, naiintindihan natin ang pangangailangan ng Filipinas na mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa. Kahit ano pa ang sabihin natin, hindi kompleto ang pagkain ng pamilyang Filipino kung walang kanin sa hapag. Kahit magdildil nga sa asin, basta’t may kanin ay busog na rin.
Kung ginhawa ang dala ng imported na bigas, parusa naman ang dulot nito sa magsasakang Filipino. Dahil babaha ng bigas mula sa ibang bansa, inaasahan na bababa na naman ang presyo ng bigas na binibili mula sa ating mga mag-sasaka.
Ang suma-total, bawas ang kita ng mga magsasaka na umaasa lamang sa palay. Hindi natin alam kung paano pa mabubuhay ang magsasakang Filipino. Ayon sa talaan ng Bureau of Agricultural Statistics, kumikita lamang ang ating magsasaka nang P20,000 bawat taon. Ibig sabihin, hindi pa aabot nang P2,000 bawat buwan.
Umaasa tayo na hindi makakalimutan ang mga magsasaka sakaling maipasa ang Rice Tariffication Law. Anuman ang buwis na makuha mula sa importasyon ng bigas ay dapat magamit na pandagdag-kita sa mga magsasaka ng palay. Gaano man kasi kasarap kumain ng kanin, mahirap lunukin kung alam mong may nagugutom kang kababayan.

 

About Ruben III Manahan

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *