MALAKING katatawanan ang napabalitang paghahain ni dating commissioner at ngayo’y Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Isidro Lapeña ng mga kasong slander at libel sa Taguig City Prosecutor’s Office laban kay dating Bureau of Customs (BoC) X-ray chief Ma. Lourdes Mangaong nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Lapeña, sinira raw ni Mangaoang ang kanyang reputasyon sa multi-bilyones na halaga ng shabu na ayon mismo sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakapalaman sa magnetic lifters na natagpuan sa isang bodega sa GMA, Cavite matapos payagang makalusot sa Customs.
Sa isang panayam sa kanya, sabi ni Mangaoang:
“I am prepared to face him in court anytime. These cases which he filed are meant to silence me. I am unfazed. Everything that I said is the truth and nothing but the truth.”
Sinong may matinong pag-iisip ang hindi matatawa kay Lapeña, imbes siya at ang kanyang mga tauhan ang dapat kasuhan ay siya pa ang matapang na maghain ng kaso?
Kailan pa naging krimen ang pagtestigo, lalo’t sa magkahiwalay na imbestigasyon ng Kamara at Senado ay may pruwebang naipakita si Mangaoang bilang ebidensiya, kompara kay Lapeña na laway lang ang depensa?
Ang mga larawan na iprenesinta ni Mangaoang sa legislative investigation ay tugma sa testimonya ng (PDEA) na naninindigang kargado ng mahigit P11-B halaga ng shabu ang mga magnetic lifters na pinalusot sa Customs.
Maging si Senador Richard “Dick” Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ay kombinsidong kargado ng shabu ang apat na giant magnetic lifters na natagpuan ng PDEA sa Cavite.
Pero ang pinakamatindi sa lahat, ang mismong pag-amin ni Lapeña sa pagdinig ng Kamara, aniya:
“With the circumstantial evidence and testimonies, as an investigator, I will tend to believe na indeed may laman ‘yan sir.”
Bukod sa pagiging abogada, si Mangaoang ay kilala rin bilang no non-sense Customs official at walang inuurungang laban kaya’t marami ang naniniwala na hindi basta-basta matitigatig sa mga kaso na isinampa ni Lapeña laban sa kanya.
Ano pa nga ba ang puwedeng isipin ng publiko sa mga inihaing kaso ni Lapeña kung ‘di malinaw na panggigipit kay Mangaoang.
Hindi ba “defense mechanism” ‘yan na karaniwa’y taktikang ginagamit ng mga nasa pamahalaan kapag nabubulgar sa tiwaling gawain na kinasasangkutan?
Akalain n’yo, si Mangaoang na tumestigo ay una pang nakasuhan samantala si Lapeña ay absuwelto agad?
BONG REVILLA LALAYA NA,
IAABSUWELTO SA PLUNDER
TIYAK na malaking piging ang inihahanda ng kanyang kampo para sa napipintong paglaya ni dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., sa unang buwan ng susunod na taon.
Pinagbigyan ng Sandiganbayan First Division ang hiling ng abogado ni Revilla, imbes sa Dec. 7 ay maiuusog sa January 10, 2019 ang promulgation o pagbasa ng desisyon sa 16 na kasong graft na kinakaharap ng dating senador.
Kesyo kailangan daw kasi na paghandaan mabuti ng kampo ni Revilla ang pagbaba ng hatol.
Ang hindi lang natin alam ay kung anong paghahanda ang tinutukoy ng kampo ni Revilla, maliban lung ‘yan ay isang engrandeng party na balitang ipag-aanyaya ng maraming bisita na pangungunahan ng mga sikat na celebrities, malalaking politiko at matataas na opisyal ng pamahalaan.
Malamang daw na gustong masiguro ng kampo ni Revilla ang availability ni beloved Pres. Rodrigo “Digong” Duterte at nais nilang matiyak na makadadalo sa mala-piyestang okasyon na inihahanda para sa nalalapit na paglaya ng dating senador mula sa ilang taon na pagkabilanggo sa PNP custodial center. Ayon sa impormante natin, nakatakdang iabsuwelto ng Sandiganbayan si Revilla sa kasong plunder na walang piyansa.
At para maging kapani-paniwala ang desisyon ay hindi muna maglalabas ng pasiya ang Sandiganbayan sa ilang kaso ni Revilla pero ipag-uutos ang pansamantala niyang paglaya.
‘Yan daw ang napag-cash-sunduan, ‘este, napag-kasunduan, ayon sa balitang nakarating sa atin.
Sana, makadalo rin ang mga mahistrado ng Sandiganbayan First Division para mas masaya.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])