IBUBULGAR daw ng isang alkalde sa Metro Manila ang mga konsehal na nangingikil para maaprobahan ang malaking proyekto sa kanilang lungsod.
Ito ay kapag ipinagpatuloy ang hirit na tig-P30 milyones ng mga damuhong konsuhol, ‘este, konsehal kapalit ng kanilang boto para mailarga ang makabagong mass transport project sa pinamumunuang lungsod ng alkalde.
Umuusok umano ang ilong ng alkalde matapos makarating sa kanyang kaalaman na una nang nakatanggap ng tig-P5 milyones na “advance to be recognized”’ ang mga damuhong konsehal na masisiba sa pera bilang “goodwill money” mula sa dating mayor ng siyudad.
‘Yan siguro ang tinutukoy ng re-electionist mayor na hinihingi sa kanya na hindi niya kayang ibigay kaya’t nagpasiya ang mga damuhong konsehal na himukin ang kanyang kadugo na muling tumakbo laban sa kanya.
Ala e, kaya naman pala ang re-election bid ng anak na ang suportado ng ama at hindi ang kapatid na dating alkalde.
May sa demonyo nga talaga ang pera, kahit malalapit pang magkakamag-anak ay nagagawang pag-awayin.
Aba’y, dapat lang pangalanan kung sino-sino ang mga tinutukoy na konsehal para habang maaga ay malaman ng mga botante ang kanilang pagkatao.
Sana ay maibulong sa atin ni kaibigang Tom Cabrido sakaling alam niya kung sino ang mga tinutukoy na konsehal ng nasabing lungsod.
Abangan!
PAALAM “MANONG BERT”
AT MARAMING SALAMAT
IKINALUNGKOT natin ang balita na si dating Ifugao Rep. Gualberto B. Lumauig o “Manong Bert” ay pumanaw na nitong Linggo.
Si Manong Bert ang kauna-unahang gobernador ng Ifugao na itinalaga ni yumaong dating Pang. Ferdinand Marcos noong 1967 at taong 1980 ay nahalal na Assemblyman ng lalawigan.
Bago ang presidential snap elections ay naitalaga siyang Presidential Assistant on Information at nakatakda sanang manungkulan bilang susunod na Minister of Information noong bandang huli ng 1985.
Pagkatapos ng EDSA I, si Manong Bert ay tumakbo at nanalo bilang congressman ng Ifugao.
Nang maluklok si dating Pang. Fidel V. Ramos, agad na naitalaga si Manong Bert bilang Chairman ng Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taiwan at pagkatapos ay nagsilbing Spokesman ng partido Lakas-National Union of Christian Democrats (Lakas-NUCD).
Si Manong Bert na isang respetadong journalist ay naging pangulo ng University of Santo Tomas Faculty of Philosophy and Letters at noo’y nagsilbi rin bilang governor ng Philippine National Red Cross.
Bilang journalist, si Manong Bert ay matagal na nagsulat ng kanyang pitak sa Manila Bulletin at contributor para sa Philippine Star at Philippine Daily Inquirer.
Siya ang may akda ng “Into The New Horizon: Ifugao,” isang aklat-kasaysayan ng politika sa lalawigan na napabilang sa National Library of Australia collection.
Kilala ko si Manong Bert, isa siya sa malalapit na kaibigan ng aking yumaong ama.
Kaya’t halos parang tatay ko na si Manong Bert dahil parang anak na rin ang naging turing niya sa akin.
Simula kahapon, ang kanyang labi ay nakahimlay sa Loyola Memorial Park chapel sa Marikina at bukas, Huwebes (Nov. 22), ay dadalhin sa House of Representatives sa Quezon City para alayan ng parangal bilang isang dating mambabatas.
Ang kanyang libing ay sa Linggo (Nov. 25), sa Loyola Memorial Park Marikina.
Mula sa aking pamilya, taos-puso po kaming nagpapaabot ng taimtim na pakikiramay sa mga mahal sa buhay at naulila ni Manong Bert.
Kay Manong Bert, maraming salamat sa mga tulong at gabay!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid