DAPAT suportahan ng mga mamamahayag ang signature campaign ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na “Sign Against the Sign.”
Layunin nitong i-repeal ang batas na nag-aatas sa mga kasapi ng media na lumagda bilang saksi o testigo sa isang anti-drug operations na isinagawa ng mga alagad ng batas.
Sa pamamagitan ng nasabing signature campaign, layon ng NUJP na hikayatin ang Kongreso na amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na tanggalin ang mga mamamahayag bilang potential witnesses sa imbentaryo ng kontrabando at iba pang items na nakompiska sa anti-drugs operations dahil nalalagay sa panganib ang buhay nila.
Bukod diyan, bukas na bukas ang media workers sa harassment ng sindikato ng ilegal na droga at ‘yung iba naman ay unaware na nagiging ‘kasabwat’ sa isang situwasyon na hindi nila alam kung totoo o hindi.
Ang paglagda kasi ng mga mamamahayag sa police operations ay hindi lamang nagpapatunay na mayroong naganap na police operations kundi nagpapatunay rin na ang mga suspek ay nahulihan ng nasabing mga kontrabando.
E sa totoo lang, hindi naman kasama sa kabuuan ng plano at operasyon ang mga mamamahayag.
Ayon sa NUJP, naamyendahan na ito sa pamamagitan ng Republic Act 10640, na optional na lang ang kinatawan ng National Prosecution Service at media.
Pero sa kabila nito, may mga ulat na may mga alagad ng batas na pinipilit ang mga mamamahayag lalo sa mga lalawigan na lumagda bilang witness.
Napipilitan naman ang mga mamamahayag na lumagda kasi kapag hindi sila nagpakita ng kooperasyon ay hindi na sila isasama sa mga susunod na operasyon.
Huwag na po tayong lumayo ng halimbawa, rito lang sa Metro Manila ay maraming photojournalists ang napipilitang ‘makisama’ sa mga pulis kasi nga hindi na sila isasama sa mga susunod na coverage.
Kapag hindi naman nakadalo sa “hearing” sa korte ang mga nakapirmang mga mamamahayag, padadalhan ng bench warrant at pagmumultahin pa ng korte.
Pero ang higit na mapanganib dito ay ‘yung napagbabantaan ang kanilang buhay ng mga sindikato o ng ‘ninja cops’ kasi nga pumirma sila.
Mabuti na lamang at nandiyan ang NUJP para pangunahan ang kampanya sa isyung ito.
Diyan natin nakikita ang tunay na malasakit ng mga namumuno sa isang samahan ng mga mamamahayag. Hindi gaya ng iba riyan na naglilider-lideran ng isang organisasyon pero ginagamit lang para sa kanilang pansariling interes at agenda.
Tsk tsk tsk…
SENATE PRESIDENT
TITO SOTTO SINABING
“UNCONSTITUTIONAL”
ANG DESISYON NG SC
KLARO ang posisyon ni Senate President Vicente Sotto II sa desisyon ng Korte Suprema na kumakatig sa Commission on Higher Education na tanggalin ang Filipino at Panitikan sa mga core subject na dapat ituro sa tertiary level o kolehiyo.
Sabi ni Tito Sen, ito ay unconstitutional at maaaring ikapahamak ng mga susunod na henerasyon sa pag-unawa ng sariling wika.
Aniya, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon (1973 at 1987) na ang wikang Filipino ay wikang Pambansa at wika ng edukasyon ng Filipinas; at dapat na gamiting wikang panturo ang wikang Filipino at opsiyonal ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo.
Nanindigan din ang Senate President na ang wikang Filipino ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mamamayan kaya nga mas kailangan natin itong ipreserba, palakasin at pangalagaan sa lahat ng panahon.
Hindi natin maintindihan kung bakit pati ang ating pambansang wika ay napagdidiskitahan ng mismong institusyon na dapat ay kasama sa nagtataguyod nito.
Sa totoo lang, sa panahon ngayon, ang daming kabataan ang nagsasalita ng Filipino pero hindi nauunawaan ang pinagmulan nito.
Maraming kabataan ag nagpapakabihasa sa wikang banyaga pero nagiging mangmang sa sariling wika.
Hindi masamang matuto tayo ng ibang wika pero kataksilan sa sariling lahi at pagiging makabansa ang pagbabalewala sa sariling wika.
Iba’t ibang organisasyon at institusyon na ang nanindigan tungkol sa isyung ito, sana lang ay huwag matapos sa pormulasyon ng mga salita ang paninindigan.
Sana’y magkaroon ito ng katuparan sa pamamagitan ng isang malawak at nagkakaisang kilos para igiit na hindi dapat tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo.
Sana’y magsimula ito sa isang institusyon na gaya ng Senado na may kapangyarihang tapatan ang desisyon ng Korte Suprema.
Suportado ka namin diyan, Tito Sen!
PREHUWISYONG
PRIME WATER
NI VILLAR
MAGANDANG umaga po kaibigang Jerry,
Gusto lang pong ipaalam sa inyo na mula nang mapasok ng Prime Water (March 2018) ang Meralco Village, Lias, Marilao, Bulacan e hindi na gumanda ang takbo ng tubig dito sa amin.
Gabi-gabi kailangan naming magpuyat at pag minalas-malas pa kahit panghugas ng pinggan wala kaming makukuha. 2:00am – 3:00am tutulo nang mahina, 4:00am lalakas nang bahagya 5:00 am mawawala na.
Wala pong nakatakdang oras kung kailan magbibigay. Kapag nagbigay naman ng mga 1:00 am Diyos ko po patak-patak naman, malakas pa yata ang ambon.
Sana po ay matulungan n’yo kami magpa-Pasko pa naman.
Lubos na gumagalang,
RAUL R. BARON, Sr.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap