HABANG pinagtutulungan ay tiyak na darami pa ang magkakainteres na panoorin at tangkilikin ang teleseryeng “Ang Probinyano” na pinagbibidahan ng aktor na si Coco Martin sa isang network.
‘Yan ang posibleng epekto sa eksaheradong kalupitan na ipinamamalas ng Philippine National Police (PNP) at mga kilalang personalities sa ilang tanggapan ng gobyerno na nakikisawsaw laban sa kathang-isip na teleserye.
Maliban kung tuluyan talagang ipatigil ang pagpapalabas ng naturang teleserye — sabi nga sa wikang Ingles ay “that is another story.”
Ipinag-utos ni Police Community Relations Director Eduardo Garado sa lahat ng tanggapan ng PNP ang pagbibigay ng anomang suporta sa teleserye, tulad ng pagpapagamit sa mga PNP personnel, kagamitan at pasilidad bunsod ng umano’y negatibong imahen ng pulisya na ipinakikita sa teleserye.
Batay sa kanyang direktiba nitong Biyernes kasunod ng pagbatikos ni PNP chief Oscar Albayalde sa teleserye, ani Garado:
“All units, offices, and personnel are advised to immediately refrain from assisting, to withdraw their support to the production of the said teleserye in terms of PNP resources like patrol cars, firearms, personnel, venues, and other items and gadgets being used in the teleserye.”
Mababaw para hindi maintindihan ang nilikhang kontrobersiya laban sa teleserye ay taktikang-pusit para ilihis sa sunod-sunod na ulat ng karumal-dumal na kaso ng panggagahasa na nagsasangkot sa ilang bugok na miyembro ng pulisya.
Hindi na kailangan maging scriptwriter o kaya’y manghuhula ni Albayalde at ng mga sumasawsaw sa kontrobersiya na PNP rin ang lalabas na bida sa ending ng teleserye kapag nalipol ng “Vendetta” — ang mga scalawag na pulis na sipsip sa defacto president.
Kung tutuusin, malaki ang maitutulong ng teleserye sa imahen ng PNP para maipaunawa sa publiko ang wakas na sasapitin ng masasama nilang kasamahan sa bandang-huli.
Kahit kathang-isip lang ang palabas ay halos hawig kahit hindi sakto sa mga totoong pangyayari ang mga eksena.
Hindi lahat ng sumusubaybay sa nabanggit na teleserye ay tulad ni Albayalde at ng mga nakikisawsaw sa kanya ang paniwala.
Ganyan talaga ang paggawa ng pelikula, kahit sa pagsasapelikula ng true-to-life story ng matitinong pulis ay kalimitang iginagawa ng eksaherasyon para maging kapani-paniwala at humatak ng manonood.
Sigurado tayo na lalangawin sa takilya ang teleserye kung ibabase ang script sa dikta ni Albayalde at ng mga nakikisawsaw na opisyal ng pamahalaan na pawang wala namang nalalaman sa sining.
Ang paggawa ng teleserye at pelikula ay hindi libreng libangan lang ng producer na nasisiraan ng ulo para magtapon ng pera — ‘yan ay negosyo rin.
At para maintindihan ni Albayalde at ng mga namomolitika sa pamahalaan ang kanilang pinaggagagawa at pinagsasasabi, bakit hindi na lang nila subukang mag-produce ng teleserye base sa sarili nilang panlasa kung papatok sa takilya?
Sa bawa’t palabas, may mensaheng mapupulot na ng aral na dapat matutuhan.
Nasa isip lang ni Albayalde at ng mga nakikisawsaw sa kanya ang problema at wala sa tinutukoy na teleserye.
Ang aral na dapat matutuhan sa teleseryeng pinag-iinitan ni Albayalde at ng mga urot na opisyal sa pamahalaan ay kawalanghiyaan na hindi dapat pamarisan ng mga nasa pulisya.
Lalo lang mapapasama ang imahen ng PNP!
LITO LAPID
KASUHAN NG DQ
SA COMELEC
BIBILIB pa siguro tayo kay Sen. Panfilo Lacson at sa mga nakisawsaw kay Albayalde kung ang papel ng mag-amang Lito at Mark Lapid ang kanilang inupakan kaysa ang mismong script ng teleserye dahil pare-pareho sila na walang nalalaman sa industriya.
Tanging ang papel ng mag-amang sina Lito at Mark Lapid sa teleserye ang hindi makatotohanan at hindi nababagay gampanan ng mga nagsamantala sa puwesto at nakasuhan ng pagnanakaw.
Hindi ba malaking insulto ang papel ng mag-amang Lapid na nasangkot sa katiwalian at masahol pa ang kasalanan sa bayan kompara sa mga scalawag sa pulisya?
Isa pa, tulad ng media practitioners na lalahok sa politika, sakop na si Lito Lapid ng election ban na ang pagganap bilang artista ay ipinagbabawal sa kanya, anim na buwan bago ang nakatakdang halalan.
Kasuhan n’yo si Lito Lapid ng disqualification!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid