NOONG una nating mabalitaan ang tungkol sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), isa tayo sa mga natuwa.
Inisip natin, isa ito sa mga hakbang ng pamahalaan para paluwagin ang trapiko ng mga sasakyan at tao sa Metro Manila.
Kung hindi tayo nagkakamali, naglabas pa ng Memorandum Circular 2018-010 ang LTFRB para sa paggamit ng PITX.
Ayon sa LTFRB, putol ang linya ng lahat ng bus galing Cavite at Western Batangas. Kaya ang dalawang kompanya ng bus Jasper Jean at Saulog, ay nabago rin ang ruta. Ang LTFRB ang tanging may jurisdiction alinsunod sa batas na magtakda ng ruta ng mga bus at jeep.
Nararapat lamang na putulin ang ruta upang maging centralized ang sakayan at babaan ng mga pasahero mula at patungo sa Cavite at western Batangas.
Inter-modal terminal ang PITX at magtatagpo rito ang mga provincial bus, city buses, jeepneys at vehicles for hire.
Positibing konsepto ito para maiwasan na ang paghihintay ng mga pasahero sa mga kalsada bukod diyan ang PITX ay air-conditioned, may mga bilihan ng pagkain at supermarket sa loob.
Nasa itaas (2nd Floor) ang babaan at nasa ground floor ang sakayan. Automatic ang ticketing system at hindi makapapasok ang mga colorum na sasakyan.
Ito na siguro ang pinakahinintay natin na makabagong transport terminal.
Maging sina DOTr Secretary Art Tugade at Undersecretary Mark de Leon sa isang panayam sa media ay pinuri ang makabagong terminal na tinawag na PITX.
Pero nakapagtataka na nitong nakaraang Oktubre nag-isyu ang DOTr ng Department Order 2018-025 na kontra sa LTFRB Memorandum Circular.
Sa ilalim umano ng nasabing memorandum, pinayagan ang ilang kompanya ng bus na makapasok hanggang sa Pasay Rotonda, Roxas Boulevard at Lawton.
‘Yan ay dahil pinayagan ng DOTr, ang mga bus galing sa ilang bayan ng Cavite para pumasok sa Pasay Rotonda, Roxas Boulevard, EDSA at Lawton.
Kaya ‘yan ngayon ang malaking bakit?
Anyare?!
Hindi ba sapat ang makabagong PITX para roon mag-terminal ang city buses, jeepneys at vehicles for hire at magsasakay ng mga pasahero galing at papuntang Cavite at western Batangas para makarating sa kanilang destinasyon?
Kung hindi tayo nagkakamali, pinadalo pa nina Secretary Art and Usec. De Leon si Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon ng PTIX, bago ngayon, biglang magkakaroon ng bagong patakaran para sa ibang kompanya ng bus?!
Sonabagan!
Ano kaya ang pinag-ugatan ng bagong department order? Dahil ba magkaiba ng frequency sina Secretary Art at LTFRB chairman, Atty. Martin Delgra III?
O baka naman kanya-kanyang ‘friendship’ sila sa mga bus owner and companies?!
Hindi na siguro mahihirapang mag-isip ang publiko kung sino-sino ang kausap ng DOTr. Maliwanag sa LTFRB Memorandum Circular kung sino ang apektado.
Gaya ng Jasper Jean, ang linya nila ay mula Navotas hanggang Dasmariñas, Cavite. Ayon sa LTFRB, magiging city operation ito sa Navotas PITX, at siguradong apektado ng pagputol ng ruta.
Ang Saulog naman, Olongapo hanggang Cavite City. Putol din ang linya.
Marami kayang mga kababayan si Usec. De Leon na taga-Imus, Cavite ang nakiusap sa kanya upang makatuloy sila sa EDSA, Pasay Rotonda, Roxas Boulevard at Lawton?!
Naging maayos naman kaya ang kanilang pagka-cash-undo ‘este pagkakasundo?
Mukhang ang DOTr ay may tinitingnan at may tinititigan? Hindi ba dapat kapakanan ng commuters ang isaisip? Kaysa pagbigyan ang ilang bus operators, kaya nag-isyu pa ang DOTr ng department order na hindi naman nila hurisdikdiyon?
Sayang ang milyon-milyong pera na ginastos sa pagpapagawa ng flyover kung tutuloy ang mga piling bus at dederetso patungong Roxas Boulevard.
Ibig bang sabihin nito na walang support system mula sa DOTr ang PTIX.
O baka naman may ibang milyon-milyong dahilan ang usapang ito?
51 CONTAINER VANS
NG BASURA MULA
SA SOUTH KOREA
ITINAMBAK SA PH?
HETO na naman, sanrekwang basura na naman ang dumating sa bansa sa pamamagitan ng mga container port.
Kung dati ay mula sa Canada, this time, mula naman sa South Korea.
Ang sabi nga ng Bureau of Customs (BoC), “massive shipment of garbage to the Philippines.”
Sa ulat ay umaabot ito sa 1,200 tons na hazardous waste.
Gaya rin sa isyu ng shabu, dapat busisiin din kung paanong nakapapasok ang ‘basura’ ng ibang bansa sa ating bansa.
Sino na naman ang kumikita nang milyon-milyon diyan? Mantakin ninyo, 51 container vans?!
Commissioner Rey Leonard Guerrero, Sir, mukhang kailangan ang operasyong militar dito, pakibusisi na nga po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap