KUNG sa kasalukuyang panahon pala nabuhay ang pambansang bayani na si Gat Jose Rizal ay siguradong sa karsel pa rin siya pupulutin.
Malamang na maparatangan pang subersibo si Rizal at lapastangan sa batas kung ngayon niya sasabihin na, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda.”
Ang pagkakaiba lang ay hindi mga dayuhang mananakop ang magpapakulong kay Rizal, kung ‘di ang mga mahistrado ng Korte Suprema na pinayagang tanggalin ang halaga na maituro ang wikang Filipino bilang core subject sa kolehiyo.
Sa inilabas na desisyon kamakailan ng Kortre Suprema, itinuring na hamak at mababang uri ng mga mahistrado ang wikang Filipino.
Paniwala ng Korte Suprema, walang pakinabang na mapapala sa pag-unlad ng ekonomiya ang wikang Filipino na pangunahin pa man din nating identity o pagkakakilanlan bilang isang lahi.
Buti pa ang wikang Intsik ay buong pusong tinanggap at ipinagmamalaki ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar at ng Malacañang na maipalaganap sa buong bansa sa pamamagitan ng PTNI Channel 4.
Wala na ba ni katiting na pagkamakabayan ang dumadaloy sa katawan ng mga mahistrado ng Korte Suprema na pati sariling wika ay nagawang pagmalupitan?
Aba’y, mas masahol pa ang mga mahistradong pumabor sa inilabas na desisyon kompara kay dating chief justice Ma. Lourdes Sereno na pati sariling wika na wala namang kasalanan ay nagawa nilang paslangin.
Hindi pa ba ito basehan para maisulong naman ang pagpapatalsik sa mga mahistradong nagtataksil sa bayan?
PUNYETANG ILLEGAL
TERMINAL SA LAWTON,
TULOY ANG LIGAYA
WALANG maaasahan at kumbaga ay malas talaga si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang mga ipinagtatalaga sa puwesto.
Napanood natin kahapon nang umaga ang report sa isang tele-radyo sa patuloy na pamamayagpag ng punyetang illegal terminal ng mga kolorum, UV Express at bus na nagtatanghal ng malaking pambabastos sa paanan ng monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Plaza Lawton, Maynila.
Gusto na nating maniwala na ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan gaya ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Trasportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mismong ayaw na lumuwag ang trapiko ng mga sasakyan, habang hindi naipasasara ang pinakamalaking illegal terminal sa Maynila.
Dahil alam nating nag-aakyat nang limpak na salapi sa City Hall kaya hindi na natin isasama ang Manila Police District (MPD), tutal alam natin na wala rin naman silang gagawin para aksiyonan ang prehuwisyong dulot ng salot na illegal terminal ng ‘babae’ sa Lawton.
Ang hindi lang natin matantiya ay kung paano naaatim ng mga ahensiyang nakatokang pamahalaan ang pagsasaayos ng trapiko — MMDA, LTO at LTFRB – na ibalandra ang kanilang mga pagmumukha sa media araw-araw na kesyo operation dito, operation doon.
Kung ako si Col. Bong Nebrija ng MMDA na alam nating sumusunod lang naman sa mga nakatataas sa kanya ay magre-resign na ako sa puwesto dahil sa kahihiyan.
Hindi matatakpan ng operation dito, operation doon na ipinakikita sa telebisyon ang hindi maitatagong katotohanan sa talamak na mga illegal terminal at illegal vendors na sanhi ng pagsikip ng trapiko kahit saan, lalo sa Maynila.
Sayang ang sipag ni Col. Nebrija na alam nating sinsero sa pagtupad ng kanyang tungkulin pero nagmumukhang kenkoy na katawa-tawa laban sa hindi masawatang obstructions ng illegal terminal sa Lawton at illegal vendors sa Baclaran at Divisoria.
Hindi bale kay Celine Pialago, ang spokesperson ng MMDA, walang panghihinayangan dahil sanay na siguro siya sa kahihiyan.
At kung ako kay Col. Nebrija, habang maaga ay magpalipat na lang sa ibang ahensiya bago madamay sa pagkasira ng kanyang mga among sina Chairman Danny Lim at GM Jojo Garcia na pinagtatawanan ng publiko.