CAUGHT in the act ang isang lady DPWH district engineer na kinilalang si Lorna Ricardo habang humihirit ng ‘SOP’ o tongpats para sa P100-million Lagawe-Caba-Ponghal Road Development Project sa Ifugao province.
Hulicam na hulicam kaya hindi makatanggi si Engr. Ricardo dahil mismong ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang naglabas ng hulicam sa kanya.
Iniharap ni PACC commissioner Greco Belgica ang video na nagpapakitang si Engineer Lorna Ricardo ay ‘naghihingi’ ng P10 milyon o diyes porsiyento sa contractor upang maseguro na igagawad sa huli ang P100-million Lagawe-Caba-Ponghal Road Development Project sa lalawigan ng Ifugao.
Bukod umano sa P10 milyon, humirit pa si Ricardo ng one percent mula sa 10 percent mobilization fund na ire-release noong 25-29 Hunyo 2018 bilang SOP o standard operating procedure para sa DPWH Bids and Awards Committee (BAC) Ifugao District plus five percent SOP sa bawat progress billing.
Hindi lang ‘yan, nanghihingi pa ng P20,000 kabayaran para sa processing fee para sa issuance ng Statement of Work Accomplished (SWA); one percent mula sa P100 million, kabuuang contract cost para sa material testing; at panibagong P1 milyon para umano sa vehicle rental na gagamitin ng DPWH project engineers.
Sonabagan!!!
Kulang na lang, hingin na ang kabuuang halaga ng proyekto, sa dami ng demand ni Madam Engr. Ricardo.
Parang ayaw na nga ipagawa ang project, ang gusto na lang ibulsa ‘yung P100 milyones… mabuti na lang at nadale ng PACC.
By the way, hindi lang si Engr. Ricardo ang na-hulicam nina PACC Commissioner Belgica.
Noong Agosto, isang district engineer at apat na personnel ng DPWH ang sinuspende dahil din sa bribery kaugnay ng multimillion-peso projects DPWH.
Buking na buking sina DPWH Pasig district engineer Roberto Nicolas kasama sina Melody Dominguez, Luisito Ponancio, Tess Orquia at Vilma Gomez sa pangongolekta ng suhol mula sa private contractors.
Malaking pasasalamat ni Secretary Mark Villar dahil natutulungan sila ng PACC sa paglilinis sa kanilang hanay.
Kung sabagay, ano ba ang bago rito?
Bantad na sa publiko ang tinatawag na ‘SOP’ sa DPWH projects. Hindi lang barya ‘yan, milyon-milyon!
Dapat dalas-dalasan ni Sec. Mark ang pagkapa sa ulo niya, kasi baka, tambak na ang bukol niya hindi pa niya alam.
Ay sus!
Kung ganyan ang nangyayari ngayon sa DPWH, hindi kaya nararapat lang na mag-deploy na rin ng military official para sugpuin ang matagal nang namamayagpag na korupsiyon sa nasabing ahensiya?!
Mantakin ninyo, PACC pa ang nag-expose? Hindi ba nababantayan mismo ng DPWH secretary ang kanilang hanay?!
Hindi kaya naiisip ng mga ‘magnanakaw’ ‘yung kalagayan ng mga batang mag-aaral sa malalayong probinsiya na hirap na hirap pumasok sa eskuwela dahil wala silang matinong kalsada?!
Tapos ngayong gagawin na ang proyekto, sa laki ng SOP e baka wala nang matira sa project implementation?
Sa bulsa na lang ng mga suwapang mapupunta ang kuwarta?!
Sabi nga, huwag hintayin ng DPWH na dumating ang panahon na dahil sa dami ng ‘anay’ ay susunugin na lang ang kanilang ‘bahay.’
Hoy mahiya kayo!
SINO BA TALAGA
ANG SUPORTADO MO
SA PASAY, MAYORA
INDAY SARAH?
NALILITO na po tayo rito kay Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio.
Hindi natin alam kung sino ba talaga ang ‘bata’ niya sa Pasay City.
Nitong November 9, nag-post si congresswoman Emi Calixto-Rubiano sa social media ng mga retrato nila ni Mayor Sarah.
Itinaas ni Inday Sarah ang kamay ni Congresswoman na tumatakbong mayor ngayon sa Pasay City.
Umabot ang reactions nito sa 729 at 70 plus shares kaya putok na putok sa socmed na siya ang sinusuportahan ng panganay na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero kinabukasan, November 10, nag-post ang isang Gilbert A. Aguilar nang ganito:
“Ito po ang Genuine at ang ating pinakahihintay na (endorse) ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ni Mayor Sarah Duterte at itinaas na po ang kamay ng ating bagong Mayor ng Lungsod ng Pasay Mayor Cesar “Chet” Cuneta. Ipakalat na po ntin sa buong Pasay ang mabuting balita. Ang muling paglipad ng agila sa lungsod ng Pasay! Team Cuneta/ Advincula/ Alas para sa bagong Pasay! Mabuhay ang Pasayeño!”
Kasunod niyan ang retrato na itinataas nina Inday Sarah at Ate Shawie ang kamay ni Kuya Chet na tumatakbo rin sa Pasay bilang mayor.
E sino ba talaga ang sinusuportahan ng mga Duterte?
Ang mga Calixto ba o ang mga Cuneta?
Ano ba ang masasabi mo rito, Konsi Ding Santos?!
Ikaw ang alam naming ‘batang sarado’ ng mga Cuneta kaya ikaw lang ang makapagkokopirma nito.
Pakibalitaan nga po kami.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap