KINASUHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes si dating commissioner at ngayo’y Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) chief Isidro Lapeña sa misteryosong pagkawala nang mahigit 105 container vans sa bakuran ng Bureau of Customs (BoC).
Ibang-iba ang resulta sa isinagawang imbestigasyon at isinampang kaso ng NBI kompara sa kuwentong-kutsero ni Lapeña na noo’y hepe ng Customs sa mga naglahong shipment ng ceramic tiles na hindi ibinayad ng karampatang buwis sa pamahalaan — lumalabas na baligtad pala kaysa totoong pangyayari.
Matatandaan na noong 17 Marso ay natuklasang naglaho ang mahigit 105 container vans na naglalaman ng ceramic tiles sa bakuran ng Customs na nagbunsod kay Lapeña sa pagsasampa ng kasong smuggling laban sa arastre — ang Asian Terminals Inc. (ATI) – at anim na kompanya na umano’y nagsabwatan sa pagpuslit ng mga naturang kargamento.
At ayon sa isinampang kaso ni Lapeña, pinalitaw niya na naipuslit ang 105 container vans ng ceramic tiles na hindi dumaan sa eksaminasyon at nasa alert orders ng Office of the Customs Commissioner (OCCOM) dahil nagsabwatan ang ATI at anim na pribadong kompanya.
Pero pinayagan pala ni Lapeña na mailabas ang mga kargamento, ayon sa isinampang kaso ng NBI:
“With regard to the 105 containers which are the subject of the investigation, ATI presented a screenshot showing their status as ‘Duty Stop: Removed,’ which means that they were due for release. The alerting office, in this case, the Office of the Commissioner, should have issued a ‘SPECIAL STOP’ order to validly hold the release of the shipment.”
Sa madaling sabi ay binaligtad ni Lapeña at mga bugok niyang tauhan ang kuwento laban sa ATI at anim na kompanyang kinasuhan tungkol sa nawalang 105 container vans, sabi ng NBI:
“Assuming that during the time, the Office of the Commissioner issued the Manual Alert Orders (because) the e2m is not accessible or the connection was slow, this does not preclude the Office to issue subsequent alert orders through e2m once it becomes operational. However, again, Lapeña failed to do so,”
Si Lapeña, ayon pa sa NBI, ay maliwanag na sabit sa kasong graft matapos niyang payagan ang kompanyang Abundancegain Indent Trading Corp., na lumakad at makapaglabas ng mga kargamento sa rekomendasyon ni District Collector Elvira Cruz ng Port of Cebu.
Kasama ang nabanggit na kompanya sa mga kinasuhan ni Lapeña ng smuggling at ang mga nilalakad na kargamento ay una nang inirekomenda sa kanya na isailalim sa alert status ni District Collector Vener Baquiran ng Port of Manila.
Kaya’t sa demanda kay Lapeña, anang NBI:
“The fact that he allowed the release of the shipments in the Port of Cebu, notwithstanding the memorandum he issued a few days before he issued the memorandum to the district collector of Cebu, giving Abundancegain Indent Trading Corp.’s unwarranted benefits, advantage or preference over the other consignee.”
Ang hindi lang natin alam ay kung kasamang kinasuhan ng NBI ang mga lumakad at nasa likod ng 105 shipment ng ceramic tiles na natunton sa Meycauayan, Bulacan.
Sino ang makapagsasabi na ang mga pinalusot na kargamento ay may nakapalamang shabu o wala habang si Lapeña ang hepe ng Customs?
Kasali kaya pero hindi kasamang nakasuhan sa mahimalang pagkawala ng 105 container vans ang isang “BABY G” na nasa likod ng ‘TARA’ sa OCCOM?
BAGONG COMMISSIONER
NABUKULAN NG P100-M?
GALIT na sinermonan ni bagong Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa nakaraang flag ceremony ang mga kawani ng Customs.
Nakarating daw kasi sa kanya ang impormasyon na may gumagamit ng kanyang panagalan para ipangolekta siya ng ‘tara’ kaya’t binalaan ang mga kawani na huwag makipag-usap sa mga fixer.
Umabot na raw, ayon mismo kay Gurerrero, sa halagang P100-M ang nakolektang ‘tara’ para sa kanya.
Hindi ba mas kapani-paniwala kung ipinahuli muna ni Guerrero ang sinasabi niyang ‘kolek-tong’ na nangolekta nang gano’n kalaking pitsa para sa kanya bago niya isinapubliko ang nakalap niyang impormasyon?
Aba’y, kung totoo ‘yan, bakit hindi pinangalanan ni Guerrero kung sino ang damuhong mambubukol na bumambo sa kanyang ulo?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid