“SANAY na akong natatawag kasi noong bata akong Pinocchio, Ilong Ranger, Neozep. Nakukuha ko na ‘yan simula prep kaya sanay na ako. Siguro kasi hindi sanay ang mga Pinoy (sa sobrang tangos ng ilong),” ito ang nangingiting sabi ni Christian Bables nang tanungin tungkol sa ilong niyang sobrang laki at matangos.
May mga nagsabing nagparetoke ang aktor pero makailang beses naman na niya itong itinatanggi.
Hirit nga namin kung may plano siyang ipabawas ito, ”wala akong planong baguhin ang sarili ko sa gusto ng tao.”
Ikinuwento ng aktor pagkatapos ng mediacon ng Recipe for Love na dugong Espanyola ang nanay niya dahil ang lolo niya ay purong Espanyol at ang tatay niya ay Indian. Kaya malinaw na may pagmamanahan siya ng kanyang ilong.
“Kahit ipakita ko ‘yung picture noong bata ako, grabe, I cannot believe I’m defending my looks, ‘di ba? Kumbaga, kahit naman ipakita ‘yung pictures ko noong bata ako, ganito pa rin siya. Nag-mature lang ang hitsura ko pero ganito pa rin siya, eh,” pahayag ni Christian.
Nabanggit din ang paglalagay niya ng makapal na make-up o foundation na daig pa niya ang mga babae.
“Maybe before but now, hindi na kasi okay na siya. It’s my way before to gain confidence kasi para takpan ang pimple marks ko, ngayon it’s getting better hindi ko na masyadong nilalagyan.
“Hindi naman siguro kabawasan ng pagkatao o pagkalalaki ko na maglagay ako (foundation) kasi kayo hindi ninyo alam ang pakiramdam kasi hindi kayo nagkaroon niyon.
“Before kasi dumaan ako sa stage na nagkaroon ako ng maraming pimples ngayon nasa showbiz gusto kong i-conceal kahit paano para maging kaaya-aya naman ang hitsura ko. Hindi ko iyon ginagawa para sa iba kundi protection ko ‘yun sa feelings ko. It’s a deeper reason kung bakit ko ginagawa, may mga insecurities kasi ako.
“And ngayon okay na sa tulong nina Doc Ana and Erik Yalung of Regenestem Asia. Marami akong struggles before. Insecurities ko ‘yan na ginagamit ko sa acting hanggang ngayon,” paliwanag ng aktor.
Dagdag pa, ”natutuhan ko sa showbiz na if you have insecurities, owned it, you just have to be happy.”
Anyway, sa apat na taong kontrata ni Christian sa Regal Entertainment ay naka-apat na pelikula na kaagad siya in just two years.
“I Love You to Death, Die Beautiful, Signal Rock, at itong Recipe for Love,” saad ng aktor.
At sa tatlong pelikulang naipalabas na ay tumanggap na siya ng apat na acting awards para sa mga pelikulang Die Beautiful at Signal Rock na entry pa ng Pilipinas para sa Oscars na malalaman ang resulta sa Enero, sabi ni Christian.
“Oo nga, nasabi ko before na pasok na sa Oscars, entry palang pala at pagpipilian pa, nagulo utak ko noon, sorry,” natawang sabi ng aktor.
Going back to Recipe for Love ay gagampanan ni Christian ang karakter na Calix na magaling na chef at food blogger naman si Cora Waddellna leading lady niya.
Samantala, type rin ni Christian na makatrabaho si Angel Aquino dahil crush pala niya ito noon pa.
Aniya, ”Oo, inggit ako kay Tony Labrusca. Gusto kong makisali sa ‘Glorious,’ threesome kami, joke lang, joke lang.
“Gusto ko ring gumawa ng ganoong scene. Gusto kong makatrabaho si Ms Angel Aquino sa ganoong role. Noon ko pa siya naiisip. Kaya noong napanood ko ‘yung ‘Glorious,’ sabi ko, ‘sayang-sayang’ pero ang galing ni Tony Labrusca.
“Napanood ko ‘yung trailer, grabe siguro sampung beses kong inulit, ang galing nito ah, ah ganito pala ‘yun. Magaling silang dalawa. And I’m excited to watch ‘Glorious,’” say ng binata.
Mapapanood na ang Recipe for Love sa Nobyembre 21 nationwide mula sa direksiyon ni Jose Javier Reyes produced ng Regal Entertainment. Kasama rin sa pelikula sina Sophie Albert at Enrico Cuenca.
For more updates, follow Regal Entertainment Inc on Facebook, @RegalFilms on.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan