ISINULONG ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang pagtataas ng sahod at benepisyo sa mga kawani ng Commission on Elections.
Ayon kay Sotto, ilang dekada nang hinihiling ng unyon ng mga kawani ng Comelec ang patas na sahod sa kanilang trabaho na aniya’y panahon na upang maibigay sa kanila.
Dahil dito, inihain ni Sotto ang Senate Bill 2082 noong 23 Oktubre upang maisakatuparan ang matagal nang kahilingan ng mga kawani ng naturang ahensiya.
Ito ay upang maiwasan umano ng mga empleyado na masangkot sa mga katiwalian lalo na’t nalalapit ang halalan.
Sa ilalim ng nasabing panukala, makatatanggap ng P5,000 dagdag-sahod at iba pang benepisyo ang mga kawani ng Comelec sa buong bansa.
Mayroon na ring counterpart ang naturang panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso, na inihain nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, Representatives Gary Alejano, Francisco Datol at Feliciano Belmonte Jr.
Bukod dito, naglalayon din ang Senate bill ni Sotto na i-institute ang regional at provincial offices at hatiin ang National Capital Region (NCR) sa limang administrative districts.
(CYNTHIA MARTIN)