HINDI umano mapipingsan ang buong-buong suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagtakbo nito sa Kongreso at sa pagiging susunod na House Speaker.
May duda pa ba?
E ‘yan nga’t nakakamada na ang puwesto sa Kamara?
Itinaas ni Pangulong Duterte ang kamay ni Cayetano sa pagdiriwang ng kaarawan ng dating Kalihim noong nakaraang Linggo sa Marco Polo Hotel sa Davao City.
Pinaniniwalang ang ginawa ng Pangulo ay indikasyon na 100 porsiyento ang tiwala niya kay Cayetano na tatakbong congressman sa unang distrito ng Taguig sa darating na halalan at sa matunog na balita’y siya ang susunod na House Speaker.
“I hope that as a congressman, he will continue his work for the sake of the Filipinos working abroad,” ‘yan ang buong tiwalang pahayag ni tatay Digs.
Nang tanungin kung ano ang maitutulong ni Cayetano sa administrasyon bilang House Speaker, pinuri ni Duterte ang magagandang nagawa ng dating kalihim sa DFA na sigurado umano siyang gagawin din ni Cayetano sa Kongreso.
“He will do a great job [as a House Speaker] as he did as a Foreign Secretary. Mahusay si Alan. He understands the problem,” dagdag ng Pangulo.
Pinatunayan rin niya na laging handang tumulong si Cayetano sa kanyang bayan at sa lahat ng Filipino.
Aba, walang duda na napatunayan ni Secretary Alan ang kanyang husay sa kanyang pamamahala sa DFA.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, hindi mabilang na reporma ang naipatupad sa ahensiya kagaya ng pagpapaikli ng oras ng paghihintay sa pagbibigay ng pasaporte. Simula 1 Oktubre ay ginawang 6 working days ang pinakamabilis (express) na proseso at pag-iisyu ng pasaporte sa ating mga kababayan.
Sa mga pumili naman sa regular na processing ay pwede nang makuha ang kanilang pasaporte matapos ang 12 working days imbes 15 working days.
Bukod sa pagpapaikli ng waiting time ng mga aplikante, mas napaikli na rin ng ahensiya ang paghihintay ng mga aplikante na makakuha ng online appointment slots na aabot na lamang ngayon nang dalawang linggo hanggang isang buwan kompara noong isang taon na umaabot sa dalawa hanggang tatlong buwan.
Ayon sa dating Kalihim, resulta ito ng mga programang ipinatupad simula pa noong isang taon kasama ang pagpapalakas ng kapasidad ng DFA na tumanggap nang bugso ng mga aplikante.
Kasama na rito ang pagtanggap ng payment sa e-payment scheme at ang pagbubukas nang mahigit 10,000 slots simula 12 noon hanggang 9:00 pm, Lunes hanggang Sabado, hindi kasali ang holidays.
“From the 9,500 passports that were being processed daily in May last year, we have increased our capacity to almost 20,000 passports a day. We endeavor to increase this number to 30,000 by the end of the year,” masayang pagbabalita Cayetano.
Simula 2016 hanggang 2017 sa ilalim ng liderato ni dating DFA Secretary Alan Peter Cayetano, ang pag-iisyu ng pasaporte ay bumilis nang 19.38 porsiyento. Ito ay malayong-malayo sa 1.89 porsiyento noong 2015-2016 at 0.54 percent noong 2014-2015.
Upang mapataas pa ang kapasidad, gumawa ng mga hakbang ang Department of Foreign Affairs, kasama rito ang paglulunsad ng e-payment portal na tumaas ang show-up rate ng mga aplikante mula 65 porsiyento ay naging 95 porsiyento at lalong pinabilis ang proseso ng papeles kaya naman mas maraming aplikante ang natatanggap ng DFA.
Inilunsad din ang Passport on Wheels (POW) na itinalaga sa 201 lokasyon as of September 19, at napagsilbihan ang mahigit 200,000 applicants sa buong bansa.
Binuksan ang dalawang consular offices sa Ilocos Norte at Isabela noong Mayo. Mayroong anim hanggang pitong consular offices ang nakatakdang buksan ngayong October hanggang December ngayong taon sa Bulacan, Laguna, Cavite, Rizal, Davao del Norte, Misamis Occidental at Tarlac.
Patuloy ang trabaho kahit Sabado sa Aseana na sinimulan noong February 10, 2018 at nakapagsilbi na sa 45,000 applicants. Kinansela din ng DFA ang mga pekeng appointment.
Inaresto at sinampahan ng kaso ang mga fixer. Nakahuli na ang PNP at NBI nang mahigit 27 suspected fixers at sinampahan ng kaukulang kaso na ngayon ay dinidinig sa korte.
Sa mahusay at magandang track record ni Cayetano sa DFA at sa kanyang pagsisilbi sa bayan, buo ang loob ng Pangulo na siya rin ay magtatagumpay bilang susunod na House Speaker na magsusulong sa mga programa na makatutulong sa bayan at sa lahat ng kanyang kababayan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap