HINDI kagaya noong unang na-bypass ni PNoy si Nora Aunor bilang National Artist na nag-ingay pa ang NCCA at nagsabing mali ang presidente nang hindi isama sa deklarasyon si Nora, ngayon ay tahimik ang lahat nang muling i-bypass ni Presidente Rodrigo Duterte si Nora sa ikalawang pagkakataon.
Sinasabi ngayon ng NCCA na totoong nasa listahan nila si Nora, at totoo ring sa lahat ng nasa listahan ay siya lamang ang na-bypass. Pero wala umanong sinabing paliwanag ang Malacañang kung bakit. At wala naman silang inaasahang paliwanag dahil iyan ay isang “presidential prerogative.”
Sa desisyon ng Korte Suprema, nang akusahan noon si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo na nagdagdag ng mga pangalan sa listahan ng National Artists, hindi man rekomendado ng CCP at NCCA kagaya ng itinatakda ng batas, maliwanag namang sinabi ng Korte Suprema na nangingibabaw pa rin ang prerogative ng presidente at maaari niyang alisin ang sino man na inaakala niyang hindi nararapat sa ganoong karangalan, o hindi pa napapanahong bigyan ng ganoong parangal.
Sabi nga ng NCCA, maaaring may isang committee of advisers din ang presidente na may kinalaman sa sining at kultura na siyang nagrekomenda ng bypass.
Pero ano man ang dahilan, ligwak na naman si Nora. Hindi siya naging National Artist sa ikalawang pagkakataon. Ikalawang presidente na iyan na naniniwalang hindi siya nababagay, o hindi pa napapanahon para maging isang National Artist.
Sayang nga, kasi noong panahon ni Arroyo, na sa simula ng kampanya ay nagsabing ”kamukha siya ni Nora Aunor,” ay wala naman dito si Nora, dahil nasa US nga siya at kasagsagan noon ng kanyang kaso dahil sa nahuling droga sa kanya.
Maaari namang i-nominate nilang muli si Nora sa ikatlong pagkakataon, pero maaari rin siyang i-bypass ng presidente sa ikatlong pagkakataon din.
HATAWAN
ni Ed de Leon