HANGGANG sa makapag-file ng kanyang COC sa Comelec on the second to the last day ay hindi pa rin tinantanan ang tatakbong Senador na si Imee Marcos kaugnay ng mga kasalanan ng pamilya Marcos sa taumbayan noong Martial Law.
Sa mga hindi nakaaalam, si Imee ang kauna-unahang nagpatawag ng malakihang presscon para ianunsiyo ang kanyang pagtakbo sa Senado. Entertainment media ang naisip ni Imee na harapin at hingan ng tulong.
‘Yun nga lang, pagpapa-cute lang ang projection ni Imee. Parang wala kaming matandaang nahingan siya ng komento tungkol sa mga pang-aabuso o atrocities committed sa ilalim ng panunungkulan ng kanyang ama.
Hanggang sa Palacio del Governador ay sinundan pa rin si Imee ng tanong tungkol doon. At gaya nga ng kahilingan lalong-lalo ng taumbayan, humingi naman siya ng sorry.
Teka, hindi ba’t ang paghingi ng sorry ay pagkilala sa atraso o kasalanang nagawa mo? Kaso, hindi kalakip ng pagso-sorry ni Imee ang admission o pag-amin ng mga kasalanan.
Makailang ulit na naming naisulat ang tila tangkang pagbago sa kasaysayan o revisionism. Gustong papaniwalain ni Imee lalo na ang mga millennial na gawa-gawa lang ang mga kuwentong karahasan noong Martial Law.
Bakit natin gugustuhing iluklok sa Senado (again, after Bongbong) ang isang kadugo ng dating lider na nakilala sa maraming taguri?
Ang sigaw noong nasa puwesto ang mga Marcos ay nakatutulig na, “Tama na, sobra na, palitan na!” Nakalimot na yata ang iba nating mga mamamayan sa naging kasaysayan ng bansa.
Heto’t isa na namang Marcos ang nagbabakasakali. Wala ba tayong natutuhan?
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III