IPINAHAYAG ng lady boss ng BG Productions na si Baby Go ang kagalakan dahil nakapasok ang pelikula niyang School Service sa prestihiyosong 34th Warsaw Film Festival ngayong taon.
Ang Warsaw International Filmfest ay isang A-list filmfest na ka-liga ng Cannes, Berlinale at Venice.
Ang School Service ang nagpanalo kay Ai Ai delas Alas ng Best Actress sa nakaraang Cinemalaya.
“Maganda ang movie at may katuturan talaga. Magaling dito si Ai Ai at siyempre si Direk Louie. Pati na iyong ibang casts na kahit mga bata pa, ang huhusay nila,” masayang saad ni Ms. Baby.
Dagdag niya, “Pupunta si Direk Louie sa filmfest na iyon, hindi ako makapunta dahil sa rami ng dapat kong asikasohing business dito sa atin. Nakabibilib talaga ang movie namin na iyan, tapos sa Cinemalaya, ngayon ay kasali naman ito sa 2018 Warsaw international filmfest.
“Kaya I’m so happy, biruin mo nakapag-produce na ako ng maraming movies at karamihan award-winning films pa.”
Posibleng ang next movie ni Ms. Baby na ipalalabas ay Latay ni Direk Ralston Jover na tinatampukan nina Allen Dizon, Lovi Poe at Mariel de Leon.
Samantala, kaliwa’t kanang parangal ang tatanggapin ni Ms. Baby tulad ng Global Inspiring Movie Producer award sa December 16 sa Japan mula sa 6th Global Golden Hearts Award. Bibigyan din siya ng parangal bilang Young Producer Lifetime Award sa International Film Festival Manhattan, New York, at sa 6th Annual Hiyas award.
Kaya ayon sa lady film producer, mas lalo siyang ganado ngayong gumawa ng mga makabuluhang pelikula, para na rin makatulong sa movie industry at sa mga tao sa likod nito.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio