NALULUNGKOT tayo na ang party-list system ay nilamon na rin ng mga tradisyonal na politiko sa ating bansa.
Ang tradisyonal na politika (TRAPO) dito sa ating bansa ay nangangahulugan na pag-angkin sa kapangyarihan ng oligarkiya o ng iilan.
Ang oligarkiya (oligarkhia sa Greek) ay bansag ni Aristotle sa iilang (o oligos) may hawak ng kapangyarihan sa isang lipunan.
Kaya mula sa orihinal na konsepto na ang party-list system ay nauukol dapat sa marginalized sectors para magkaroon sila ng boses sa ‘kontroladong’ Kongreso — ang party-list system ngayon ay naging ekstensiyon ng dinastiya ng mga TRAPO na nauubusan ng puwesto dahil sa lumalaking bilang ng kanilang pamilya na ang pangunahing hanapbuhay o opisyo ay politika.
Isang malungkot na katotohanan na wala nang masusulingan ang mga tunay na kinatawan ng marginalized sector.
Ano ba ang marginalized sector?
Ang marginalized sector ay binubuo ng malaking bilang ng mga mamamayan gaya ng mga magsasaka na kinabibilangan ng mga manggagawang bukid; manggagawa na kinabibilangan ng sales and service crew, overseas Filipino workers, factory workers, at skilled workers; lower & middle, middle class na kinabibilangan ng mga teacher, pulis, nurse at iba pang health workers, at iba pang propesyonal na nagtatrabaho sa pribado at publikong institusyon o ahensiya.
Sa social pyramid structure o sa tatsulok ng lipunan, ang marginalized sector ay kabilang sa 75 percent sa ibaba ng tatsulok. Kaya kung matutupad ang tunay na layunin ng party-list, magkakaroon ng pagbabago sa kalagayan ng marginalized sectors. Pagbabago para umunlad hindi para lalong mabayubay sa kahirapan.
Pero sa nangyayari ngayon, mukhang sobra na rin talaga ang katakawan sa kapangyarihan ng iba’t ibang political dynasty sa bansa dahil ultimong party-list system ay pinasok na nila.
Sige nga, ano pang party-list ang kumakatawan ngayon sa marginalized sectors?!
Kung mayroon man, sila ngayon ‘yung mga binabansagang front ng mga komunista. Siguro sa tingin ng ilang mamamayan, ‘yung mga front na lang ng mga ‘komunista’ ang totoong kumakatawan sa kanila sa Kongreso.
Huwag na tayong lumayo ng halimbawa, sa mga naghain ng certificate of candidacy para sa party-list, sino-sino ang mula sa political dynasty?!
Dapat sagutin at busisiin ng Commission on Elections (Comelec) ‘yan.
Kaya kung pangangatawanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang unang sinabi na nais niyang lusawin ang party-list system, kahit ang inyong lingkod na minsang sumubok diyan at naranasan kung paano ‘babuyin’ ‘yan ng mismong mga opisyal ng pamahalaan, ay pabor na pabor na tanggalin na ‘yan!
Tingin natin, hindi ‘yang party-list system na ‘yan ang magiging solusyon para magkaroon ng kinatawan ang marginalized sector sa Kongreso.
Sa totoo lang, ang party-list system ay nakatulong para makita ng mga mamamayan kung gaano kakontrolado ng oligarkiya, hindi lamang ang ekonomiya at pinansiya, kundi maging ang sistema ng pamamahala at politika sa ating bansa, at sa buong lipunan sa kabuuan.
Ito na siguro ang tamang panahon para ibasura ang party-list system.
Sa madaling sabi, ang isang basket na puno ng bulok na kamatis, kapag hinagisan o pinaibabawan ng bagong pitas at sariwa, ay mabilis rin na nabubulok.
MEMORANDUM
NG MIAA PARA
SA ‘BACKGROUND
INVESTIGATION’
BINAWI!
HINDI na ipatutupad ang memorandum na inilabas ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eddie Monreal, may petsang 4 Oktubre 2018, hinggil sa rekesitos na may layuning isailalim sa background investigation (BI) ang lahat ng personnel, concessionaires at stakeholders sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hindi natin maintindihan, kung bakit biglang pumasok ang ganitong ideya na mukhang isinubo ng ilang bright boys kay GM Monreal.
Ang pagbawi ay inihayag sa isang bagong memorandum na inilabas naman ni AGM Arnulfo Junio ng MIAA Security and Emergency Services.
Sa ating palagay, imbes mag-isip ng mga ganitong bagay, mas dapat pagtuunan ng pansin ng MIAA management ang hanggang ngayon ay hindi pa rin naipatutupad na CNA para sa mga empleyado.
Gaano na ba katagal na nabibinbin ‘yang CAN ng MIAA employees?!
Hindi ba nararamdaman ng mga bossing na kailangang-kailangan ‘yan ng mga empleyado nila na walang ibang inaasahan kundi ang sinusuweldo nila sa MIAA?!
Unahin sanang isipin ng mga ‘urot’ kung paano magiging maligaya ang mga empleyado kaysa mag-imbento ng bagong gastos at pahirap na rekesitos.
By the way, totoo ba na ang P2-M monthly intel fund ng GM’s office ay laging ontime na nakukubra pero kapag benepisyo ng mga empleyado ay laging delay?
Anyway, puwede naman sigurong ayusin ang seguridad sa MIAA nang walang ginigipit, ‘di ba GM Ed Monreal?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap