LAGI kaming nanganganay. ‘Yan ang katangian ng gawain sa pamamahayag. Nagiging beterano lang ang isang mamamahayag dahil sa kanilang edad at tagal ng panahong inilalagi sa gawaing ito.
Pero beterano man o hindi, ang araw-araw na pagganap sa trabaho bilang mamamahayag ay hindi puwedeng sabihing ‘chicken.
Sabi nga, ang husay ng isang mamamahayag ay laging nakabatay sa kanyang huling istorya o retrato.
Sorry kung bokya ang huling retrato o istorya mo bago ka pasulatin ng Diyos ng 30.
Kaya kung dedikado ang isang mamamahayag, mas gugustuhin niya ang pakiramdam na lagi siyang nanganganay dahil ang ibig sabihin noon, ginawa niya ang lahat upang iluwal ang bagong diyaryo sa bawat araw.
God only knows, kung kinabukasan ay makapagkokober pa sa beat o makapagsasara pa ng mga pahina para sa isang bagong diyaryo kinabukasan lalo’t ang Filipinas ay ibinibilang sa isa sa mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag.
O kung may pambili pa ba ng papel at pang-imprenta ang publisher.
Hindi ibig sabihin ng pakiramdam na laging nanganganay ay pagiging perpekto.
Mas pagiging dedikado, tapat, matiyaga at maingat dahil delikado ang aming trabaho — ‘yan ang nais naming ipakahulugan sa panganganay.
Laging may kaba, may excitement at may bagong ideya kung paano tatapusin ang pagsasara ng mga pahina.
Kaya kung 15-anyos na ang HATAW D’yaryo ng Bayan, ibig sabihin 5,475-araw na kaming nanganganay.
At sa aming pagpapatuloy, panghahawakan namin ang aming pakiramdam na laging nanganganay — dahil sa pamamagitan nito, lalo naming sinisikap na magpakahusay.
Sa lahat ng aming tagatangkilik — maraming, maraming salamat po!