HINDI magiging religious, at baka nga ni hindi rin inspirational, ang forthcoming concert nina Kuh Ledesma at Christian Bautista sa The Tent at Solaire sa October 20.
After all, ang titulo ng concert ay Kuh Ledesma, Christian Bautista Sing Streisand, Groban, Legrand. Ibig sabihin ay mga kantang pinasikat nina Barbra Streisand at Josh Groban, pati na mga komposisyon ni Michel Legrand, ang ipe-perform nina Kuh at Christian na parehong kilala na Born Again Christians.
Bagong venue sa Solaire hotel-casino ang The Tent na mas pang-entertainment ang atmosphere kaysa The Theater at Solaire na pormal na teatro ang istruktura at permanente ang pagkakahanay ng mga upuan.
“We all can have more fun at The Tent because it is actually a lounge that serves food and drinks. We all know that eating and drinking are not allowed in the theater,” paliwanag ni Audie Gemora, Solaire entertainment director, noong media conference para sa concert nina Kuh at Christian.
Nilinaw naman ni Kuh na may ilang taon na rin naman siyang naglalaan ng panahon at tumatanggap ng mga paanyaya para magtestimonya kung paano naging mas maayos pa ang buhay n’ya mula noong inilapit n’ya ang kanyang sarili sa Diyos. Alam naman n’ya kung ang okasyon ay para sa pagiging singer-entertainer n’ya o mas para sa pagiging Born Again Christian.
Pero pare-pareho namang may mga kanta sina Streisand, Groban, at Legrand na makaklasipikang spiritual/inspirational pero entertaining pa rin kaya pwede silang maglahok ng tig-isa o tig-dalawang kanta na ganoong klase.
Binanggit ni Kuh na pwede n’yang i-request sa direktor ng concert nila na si Carlo Orosa na isama sa mga aawitin n’ya alin man sa Walk With Faith in Your Heart o I Believe ni Streisand.
Si Christian naman ay binanggit na ang paborito n’yang kanta ni Groban na You Raised Me Up ay gustong-gusto ng madla kahit na itinituring ito na “religious song.”
May panahong Pinoy Barbra Streisand ang tingin ng madla kay Kuh dahil tunog Streisand talaga siya ng hits ni Barbra. Gayunman, matagumpay siyang naka-develop ng sarili n’yang identity dahil sa pagsasaplaka n’ya ng Original Pilipino Music, gaya ng Dito Ba? at mga komposisyon ni George Canseco.
Sa mga ‘di familiar kay Legrand, ang buo n’yang pangalan ay Michel Legrand at napakaraming komposisyon n’ya ang sumikat at ini-record ng global singing idols na gaya nina Streisand at Groban. Actually, French siya at sa wikang French n’ya isinusulat ang lyrics ng mga kanta n’ya at isinasalin sa Ingles ng mga sikat na lyricist sa US. Ang sumikat na kanta ni Streisand na Can You Hear Me, Papa? ay komposisyon ni Legrand. Kay Legrand din ang Windmills of Your Mind at How Do We Keep The Music Playing at ang I Will Wait For You.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas