Monday , December 23 2024

‘Bayani’ ng P1.41-B PCOO budget si Mocha Uson? Pagbibitiw, taktika lang

SA wakas ay nagbitiw na si dating assistant secretary Esther Margaux “Mocha” Uson sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Aniya, siya na raw ang magsasakripisyo para hindi na harangin ng mga mambabatas ang pag-aproba sa P1.41 bilyong 2019 budget na hirit ng PCOO.
Nagkakamali si Uson kung inaakala niyang matatawag na kabayanihan ang ginawang pagbibitiw sa puwesto dahil tiyak na hindi papayag sina Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio na maging bayani kung tulad lang niya ang kanilang makakahanay sa kadakilaan.
Sa totoo lang, mas gugustohin ng mga kalaban ng kasalukuyang administrasyon ang manatili si Uson sa puwesto para laging may dahilan na batikosin si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte.
Kung tutuusin, patungo sa direksiyon ng “self-destruction” ang administrasyon ni Pres. Digong hangga’t maraming tulad ni Uson ang nasa puwesto. Sabi nga: “The more, the merrier.”
Ang mga supporters ng administrasyon na totoong nagmamalasakit kay Pres. Digong ang talagang natutuwa sa ginawang pagbibitiw ni Uson.
Naaawa na kasi ang mga DDS sa pangulo na sa tuwina’y lagi na lang ipinapahiya at inihahakot ni Uson ng kaaway.
Inakala tuloy natin na si Uson ay isinilang na may kakambal, ang sabi niya:
Akala ko tuloy “Mistake” ang tunay na pangalan ni Uson at may kapatid siya na “Honesty” naman ang pangalan.
Sabi ni Uson, “Ang akin lang kung nagkamali man ako na sinabing ‘yung Mayon ay nasa Naga, hindi po fake news, honest mistake. Dahil hindi po balita ‘yun. Kung nagkamali man ako sa grammar ko, sa English, hindi po fake news ‘yun. Honest mistake.”
Napagkamalan ko tuloy na may kakambal siya dahil laging dikit na kambal si honesty sa kanyang mga pagkakamali.
Hehehe!

IMBESTIGASYON SA P647.11-M
ITUTULOY PA BA NI TRILLANES?
PERO may mga nagsasabi na ang matagal na kinainipang pagbibitiw ni Uson sa puwesto ay pakana lang upang sa kanya mapabaling ang atensiyon ng publiko papalayo sa maanomalyang transaksiyones ng PCOO na nabulgar sa 2017 audit report ng Commission on Audit (COA).
Bukod pa ang nalalapit na paghahain ng certificate of candidacy (COC) na magsisimula sa October 11 para sa mga nagbabalak tumakbo sa 2019 midterm elections.
Kaya’t sadya raw itinaon na isakay sa budget hearing ng Senado ang pagbibitiw ni Uson dahil sa ayaw at sa gusto ay obligado rin naman siyang bumaba sa puwesto sa sandaling makapaghain ng kanyang COC sa pagtakbo.
Ang hinihinging budget ng PCOO para sa 2019 ay tumaas sa halagang P1,416,645,000 kompara sa P1.38 bilyon ngayong 2018.
Kagulat-gulat ang paglobo ng PCOO budget mula sa P156.67 milyon lang noong 2016 ay tumaas sa walong doble na P1.3 bilyon noong 2017.
Nabulgar na may P647.11-M ang hinahanap ng COA sa pondo na inilaan ng PCOO para sa kuwestiyonableng information caravan ng ASEAN 2017 Committee on Media Affairs and Strategic Communications (CMASC).
Pero ang sabi ng COA, trabaho ng mga lokal na information officers ang maglako ng mga balita hinggil sa ASEAN at hindi kailangan ang pinagkagastosang caravan na ginawa ng CMASC.
Hinahanap din umano ng COA ang mga kaukulang dokumento, gaya ng memorandum of agreement (MOA) upang mabigyang katuwiran ang malaking ginastos sa pagdaraos ng ilang aktibidad at pananatili ng mga opisyal at ilang kawani ng PCOO sa six-star Conrad Hotel noong nakalipas na taon.
Matatandaan, ang pahayag si Sen. Antonio Trillanes IV na magpapatawag ng imbestigasyon sa nabulgar na katarantadohan sa PCOO.
Para saan pa kung ang imbestigasyon ay isasagawa pagkatapos maaprobahan ang budget?
Aanhin pa nga naman ang damo kung patay na ang kabayo?

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *