NAKAHANAP nag-graceful exit si Assistant Secretary Esther Margaux J. Uson, a.k.a. Mocha sa pamamagitan ng pagbibitiw sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ang petsa ng resignation ni Mocha, na ini-address kay Pangulong Rodrigo Duterte at naka-Cc kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ay 1 Oktubre 2018.
Kapansin-pansin na hindi sa kanyang immediate boss na si PCOO Secretary Martin Andanar naghain ng resignasyon si Mocha kundi kay Tatay Digong at kay SAP Bong.
Isa umano sa rason ng kanyang pagbibitiw, ang nanganganib na P1.47-bilyong ‘budget’ ng PCOO dahil hindi siya dumalo sa nakaraang budget hearing dahil siya ay pinadala sa United Nations General Assembly kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Aniya, ilang kongresista ang hindi natutuwa sa kanyang pagliban sa ginanap na hearing sa Kamara. Katunayan ini-post pa niya sa social media ang kanyang speech sa ginanap na budget hearing.
Tahasang tinukoy ni Mocha ang mga ‘makakaliwang’ kongresista na siya umanong mainit ang ‘dugo’ sa kanya mula nang mainterbyu niya ang mga Lumad at mga Datu kaya naisiwalat na ginagamit umano sila ng CPP-NPA para pabagsakin si pangulong Duterte.
Ganoon ba ‘yun?!
E parang ang nabalitaan natin na unang nagdiwang nang siya ay mag-resign ay mismong mga taga-PCOO?
Parang ang lakas ng kanilang yeheey dahil sa wakas ay magkakaroon na sila ng kapayapaan at katahimikan?!
Hehehe…
Anyway, ang opinyon lang natin, mukhang nalimutan kasi ni Ate Mocha na bilang government official/employee, mayroon siyang accountability sa mamamayan.
Mukhang sa kanyang pagsasalita ay parang napakababa ng kanyang loob pero sa gawa ay hindi ito nakikita.
Kadalasan ay nalilimutan ni Mocha na natatapakan niya ang mga mamamayan magawa lamang ang mga gusto niya.
Sa totoo lang kahit sa kanyang pagbibitiw ay walang remorse si Mocha at hindi man lang humingi ng paumanhin sa kanyang mga nasaktan at nasagasaan, sa halip, ipinagmamalaki pa niyang dadalhin niya ang laban sa Kongreso — sa Kamara at sa Senado ba ‘yan?!
Digmaan, bakbakan at resbakan na ba ‘yan!?
Anyway, ano man ang tatahaking landas ni Mocha, gamit ang kanyang limang milyong followers, nawa’y maging masaya at matagumpay siya…
Kung sabagay, nami-miss na rin siya nang marami sa kanyang dating ginagawa — ang mag-perform sa mga panggabing entertainment center lalo na sa Cowboy Grill, Padi’s point at Resorts World.
Baka panahon na para muli siyang masilayan ng kanyang mga fans habang nagpe-perform sa entablado.
Good luck Margaux!
NAIA TERMINAL 1
LAMP POST TINADTAD
NG SMB ADS
MUNTIK na tayong maligaw kahapon ng umaga.
Namutiktik kasi ang SMB ads sa mga lamp post sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Inakala namin na nasa Bulacan tayo, na sinabing pagtatayuan ng state-of-the-art na international airport, na popondohan ng San Miguel Corporation.
Hehehe…
Kidding aside, weder-weder talaga ang lahat sa ating bansa. Dati puro SMART ads ang nakikita natin, ngayon naman pawang SMB.
Ex-deal siguro ‘yan… para sa isang 2,500 ektaryang international airport na kung hindi tayo nagkakamali ay gagastusan nang bilyon-bilyon?
Sana naman ay maaninagan na ang proyektong ito bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Anyway, may kumita naman kaya sa mga SMB ads na ‘yan?
Nagtatanong lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap