PABORITO palang tambayan ng isang kilalang abogado ang karerahan ng kabayo sa California tuwing nagbabakasyon sa Estados Unidos ng Amerika. Sino ang mag-aakalang adik din pala sa pagsusugal itong si ‘Atorni Kabayo’ na kung makapostura sa harap ng publiko ay isang kagalang-galang na abogado de campanilla.
Pero sa likod pala ng kalimita’y suot niyang terno at kurbata, may malaking ‘Lihim ng Guadalupe’ na itinatago si Atorni Kabayo — ang kanyang masamang bisyo ng pagsusugal.
Bale ba, itong si Atorni Kabayo ay napapabalita pa namang nagbabalak sumabak sa politika at nag-aambisyon na tumakbong senador sa susunod na 2019 midterm elections.
Madalas daw makita ng ating mga kabayan si Atorni Kabayo sa Los Alamitos Race Track sa Orange County kapag siya ay nasa US of A. Malapit lang daw kasi ang nasabing karerahan ng kabayo sa tinutuluyang bahay ni Atorni Kabayo sa Cerritos na kalapit lang din ng mga lugar na maraming Pinoy ang naninirahan, tulad ng Buena Park, Anaheim, La Palma, at Stanton.
Kung ‘di tayo nagkakamali, malapit din ang nabanggit na karerahan sa Katella at Walker, mga lugar sa Cypress na marami tayong kababayan. Ang balita sa atin, sa Clubhouse pa raw ng naturang karerahan maghapong nakababad si Atorni Kabayo tuwing may karera.
Siyempre, medyo may kamahalan din ang $5 entrance fee sa Clubhouse na puwestong para sa horseowners at bigtime na karerista lamang.
Paminsan-minsan, nakalilibre rin si Atorni Kabayo ng entrance fee ‘pag nakatitiyempo ng kabayang Pinoy na may access sa Clubhouse ng karerahan. No’ng una raw, ang pagkakaalam ng ating impormante ay karaniwang abogado lang si Atorni Kabayo sa ‘Pinas. Nagulat na lamang daw ang impormante natin nang makita sa balitang napanood sa telebisyon ang mukha ni Atorni Kabayo.
Saka lang daw naalala ng ating listener na impormante ang minsang kuwento sa kanya ni Atorni Kabayo na roon lang siya nangangarera at nagsusugal sa “Tate,” pero dito sa atin ay hindi dahil maraming makakakita.
Malaki naman kasi ang kita ni Atorni Kabayo bilang abogado dahil pawang bigatin ang kanyang mga kliyente — karaniwa’y public officials na may problema sa eleksiyon — kaya’t balewala kung magpatalo man siya nang limpak na dolyares sa karera.
Gulat ang mga kareristang Pinoy sa “Tate” sa lakas daw tumaya ni Atorni Kabayo at pati sa sugal ay gusto lagi siyang panalo. Okey lang sa ngayon na magsugal si Atorni Kabayo, bagama’t maituturing siya na isang public figure ay wala pa naman siyang puwesto na hinahawakan sa gobyerno.
Kaya lang, magagamit na isyu laban sa kanya ang pagkagumon sa sugal sakaling matuloy ang pagtakbo sa alinmang puwesto sa darating na halalan.
Si Atorni Kabayo ay popular dahil kontrobersiyal ang mga kaso na kanyang hinahawakan kaya’t lagi siyang laman ng mga balita. Bilib sa kanya ang ilang miyembro ng print at broadcast media kaya’t madalas siyang gawing resource person sa mga interview, lalo sa mga usaping legal at may kinalaman sa eleksiyon.
Sa sobrang lakas niya sa ilang miyembro ng media sa malalaking network, kahit hindi siya tawagan ay siya pa mismo ang tumatawag sa kanilang mga programa para umeksena sa mga kontrobersiyal na isyu.
Si Atorni Kabayo ay hindi lamang magaling sa “golpe-de-gulat,” kung ‘di hinahangaan din ng ilang mga politiko sa kanyang husay pagdating sa gapangan ng kaso.
Sa madaling sabi ay abogado na, manggagapang pa! Malayong-malayo sa kategorya ni Atorni Kabayo ang abogadong si Ferdinand Topacio na laging talo at laging ala-tsamba ang diskarte sa kaso. Kaya naman imbes na de kampanilla ay nababansagan tuloy si Topacio na ‘atorni de paamin’ dahil laging talo sa husgado ang hawak na kliyente.
Kilala n’yo na ba kung sino si Atorni Kabayo, ang abogado de kampanilla na lulong din pala sa sugal na karera? Puwes, kung hindi pa ay itanong n’yo na lang sa mga kagalang-galangang mahistrado ng Korte Suprema na nakaupong miyembro ng Presidential Electoral Tribunal!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid