HINATULAN ng Malolos Regional Trial Court (RTC) nitong Lunes si dating Major General Jovito Palparan na guilty sa mga kasong kidnapping at illegal detention kaugnay sa pagkawala noong 2006 ng dalawang estudyante ng University of the Philippines.
Bukod kay Palparan, hinatulan din ng Malolos RTC Branch 15 bilang guilty sa mga parehong kaso sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr., at Staff Sgt. Edgardo Osorio.
Nahaharap ang tatlo sa reclusion perpetua o pagkakakulong ng hindi bababa sa 30 taon.
Pinagbabayad din ang bawat isa sa kanila ng P300,000 civil indemnity at moral damages sa bawat pamilya ng dalawang estudyante.
Nakadetine si Palparan sa Army Custodial Center sa Fort Bonifacio, Taguig City dahil sa kaniyang papel sa pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Ngunit dahil sa desisyon, ibibiyahe na siya sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Magugunitang dinukot ng mga armadong lalaking naka-bonnet noong 26 Hunyo 2006 sina Cadapan at Empeño sa isang bahay sa Brgy. San Miguel, Hagonoy, Bulacan.
Labis umano silang pinagmalupitan ng mga tauhan ni Palparan at hanggang ngayon ay hindi pa sila natatagpuan.
Noong panahon nang pagdukot, kumukuha ng kursong sports science si Cadapan habang nag-aaral ng sociology si Empeño.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, patunay ang hatol kay Palparan na nakakamit ang hustisya gaano man katagal ang proseso.
“Justice may come a bit late but it does come [Matagal man dumating pero tiyak na darating ang katarungan],” ani Guevarra.
Sa isang pahayag, pinuri ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang desisyon ng korte at sinabing isa itong babala sa mga lumalabag sa mga karapatang pantao.
Makaraang ilabas ang desisyon, inihayag ni Palparan ang kaniyang pagkadesmaya sa naging hatol sa kaniya.
Susubukan umano ng kampo ni Palparan na umapela laban sa desis-yon.
Habang tiniyak ni Bureau of Corrections chief Ronald Dela Rosa na hindi mabibigyan ng “special treatment” sa Bilibid si Palparan at tatratohin siya gaya ng ibang nakapiit doon.
Samantala, patuloy na tinutugis ang isa pa umanong kasamahan ni Palparan, si Rizal Hilaro.
Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa kaniya.
ni MICKA BAUTISTA