SA pagkakataong ito ay hayaan ninyong purihin natin ang dapat purihin at ito ay walang iba kundi si President Duterte, ang kanyang Gabinete at lahat ng mga nagtulung-tulong upang harapin ang kinatatakutang super-lakas na bagyong Ompong.
Ang naturang bagyo ay may lakas na 205 kilometers at bugso na 255 kilometers per hour at malawak ang sinasakop. Kung titingnan sa mapa ay halos kasing laki ng buong Luzon ang parating na bagyo.
Maaga pa lang ay nagsagawa na ng mga preparasyon ang mga tauhan ng Pangulo. Noong Huwebes ay nakitang si Duterte ang nasa tuktok ng mga preparasyon dahil siya mismo ang namuno sa pagpupulong ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at nagtatanong sa mga miyembro ng kanyang Gabinete kung ano ang aksyon na kanilang ginawa para paghandaan ang bagyo.
Noong Huwebes at Biyernes ay abala ang kanyang mga opisyal dahil libu-libo ang pinalikas sa kanilang mga tahanan sa northern tip ng Luzon kung saan inaasahang direktang tatama ang bagyo. Gayon din ang mga pagsisikap na ibinuhos ng mga taong-gobyerno sa paghahanda ng mga evacuation center para sa mga naninirahan sa mababang lugar na madalas makaranas ng matinding pagbaha.
Ang mga residente naman sa mga lalawigan ay naging abala sa pagtatakip ng kanilang mga bintana, pagse-secure ng kanilang mga bubong at pagtatali sa kanilang kabahayan sa mga poste at puno upang hindi matangay ng malakas na hangin. Maraming magsasaka ang maagang nagsagawa ng kanilang pag-ani bago pa ito masira sa pagragasa ng bagyo.
May average na 20 bagyong tumatama sa ating bansa bawat taon at si Ompong ang maituturing na pinakamalakas. Akalain ninyong isinailalim sa storm signal number 4 ang ilang lugar na tulad ng Cagayan, Ilocos Norte, Abra, northern Isabela, Babuyan Group of Islands at ibang mga lugar.
Maging ang Metro Manila na nasa ilalim ng storm signal number 1 ay hindi nakaligtas. Magdamag itong nakaranas ng pagbayo ng malakas na hangin at tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado sa pagpasok ni Ompong sa Philippine area of responsibility.
Pero bukod kina Duterte ay dapat din purihin ang mga kapatid natin sa hanapbuhay sa media dahil hindi sila nagkulang sa paghahatid ng kinakailangang impormasyon upang makapaghanda ang mga mamamayan at iparating ang mga kaganapan kaugnay ng pananalasa ng bagyo.
May mga nagsasabi na overkill o sobra-sobra ang preparasyon na ibinuhos nina Duterte sa pagdating ng bagyo pero mas mabuti na ito kaysa magkulang sa paghahanda at magsisisi tayo sa huli dahll marami ang napinsala at nabiktima.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.