Friday , November 22 2024

Inflation may solusyon ba si Tatay Digong?

MULA sa Promised Land, uuwi ang Pangulo ng Filipinas na si Pangulong Rodrigo Duterte, tubong Land of Promise (Mindanao), na inaasahang may dalang solusyon para lutasin ang inflation na sa pinakahuling taya ay umabot na sa 6.4 porsiyento.

Bukod sa krisis sa bigas, mataas na presyo ng mga bilihin, sumisirit na presyo ng langis at iba pa, hindi maiintindihan ng isang pangkaraniwang mamamayan kung ano nga ang 6.4 inflation rate.

Hindi alam ng isang naghihikahos na pamilya kung paano naidurugtong sa kanilang sikmura ang inflation. ‘Yan siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi naglalaho ang bilib ng 16 milyong Filipino na bumoto kay Tatay Digs.

Ang tanong lang, hanggang kailan?

Ilang taon pa ang nalalabi sa panunungkulan ng Pangulo, nakabuo na kaya ng formula ang kanyang economic managers kung paano patatatagin ang kanyang pamumuno sa pamamagitan ng ‘pag-aresto’ sa tumataas na inflation?!

Mula sa lupang ipinangako (Israel) pauwi sa lupang pangako (Mindanao), nabanaagan kaya ng Pangulo ang solusyon sa inflation?!

Ayon kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, maaaring bumaba ang kasalukuyang inflation rate. Nagawa raw niya ito noong panahon na siya ang Pangulo.

Kompiyansa rin si GMA na mahusay ang mga payo at mungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda sa economic managers ni Tatay Digong kung paano susugpuin ang inflation. Noong panahon umano niya, napababa nang napakabilis ang inflation.

Sige, magandang pakinggan.

Pero huwag sanang kalilimutan ng economic managers ni Tatay Digong na kahit marami siyang tagahanga at tagasuporta — mahirap kalimutan na walang matino, mahusay at makamasang lider sa nagugutom na mamamayan.

Posibleng sa ngayon ay hindi nila maikonekta ang inflation sa sikmurang kumakalam pero paglaon, kusa nila itong mauunawaan.

Naglalaho ang bilib at paghanga sa isang lider ng bansa kung ang batayang pangangailangan na maayos at masustansiyang pagkain sa hapag kainan ng simpleng mamamayan ay ‘nilalamon’ ng inflation.

Sabi nga ng mga taong natutulog sa lansangan, dati may kanin at sabaw na kape kami, ngayon, kape na lang, wala pang asukal. Ang isang sachet na kape, kakanawin pa sa apat na baso ng mainit na tubig — ‘yan ang inflation.

At malapit nang maintindihan ‘yan ng nagugutom na mamamayan.

Pero ‘yung ibang nagugutom, ang solusyon — drogang gaya ng shabu.

Sa pisong shabu, gutom ay nalilimutan ng mga mamamayan na hindi inaabot ng suwerte ng mga taga-Palasyo.

Sabi nga ni GMA, ‘ipagdasal’ natin na umabot na sa lundo ang inflation. Dahil kapag naabot na ng inflation ang tuktok, wala na itong pupuntahan kundi ang bumaba.

Ganoon ba ‘yun?

Pansamantala, patuloy tayong maghigpit ng sinturon kaysa naman mamaos at manghina tayo kasisigaw sa tulay ng Mendiola.

Welcome, Mr. President!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *