E-Games holdup gang ‘di umubra sa QCPD
Almar Danguilan
September 6, 2018
Opinion
MARAHIL inakala ng grupong tumitira ng mga electronic gaming (E-Games) establishments na kumalma na ang Quezon City Police District (QCPD) sa pagbabantay laban sa kanilang grupo.
Pero ang kaigihan, sa maling akala ng grupo, naging mitsa ito para matuldokan na ang kanilang operasyon sa lungsod. Nawakasan ang operasyon ng grupo sa lungsod dahil walang nagbago sa direktiba ni QCPD director, Chief Supt. Joselito T. Esquivel, laban sa kriminalidad.
Katunayan, kahit nasa official business trip si Esquivel o nasa China nitong nakaraang linggo, ang kanyang mga opisyal at tauhan na sandaling iniwan ay nananatiling nakaalerto sa pagbabantay sa Kyusi – nasa puso kasi nila ang direktiba ni Esquivel.
‘Ika nga, kahit walang bantay, nananatili pa rin ang mga ‘pusa’ sa pagbabantay sa lungga ng mga ‘daga.’
Heto nga, habang nasa labas si Esquivel, sinamantala ito ng sindikato sa pag-aakalang isinantabi ng mga pinagbilinan ni Esquivel ang kanyang direktiba.
Pero mali ang grupo dahil nasawata ng QCPD – Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang tangkang panghoholdap sa isa pang E-Gaming sa kanto ng EDSA at Congressional Avenue, QC nitong 30 Agosto 2018, dakong 6:00 pm.
Nakatanggap ng impormasyon si Chief Insp. Elmer Monsalve, hepe ng CIDU, hinggil sa presensiya ng tinaguriang ‘E-Gaming holduppers’ sa kanto ng EDSA at Congressional Avenue at nakatakda nilang pasukin at holdapin ang E Gaming sa lugar.
Sa utos ni Monsalve, agad nagresponde ang Theft and Robbery Unit sa pangunguna ni S/Insp. Alan Dela Cruz. Namataan ng grupo ni Dela Cruz ang mga holdaper – isa sa kanila ay nakitang nakatayo malapit sa establisimiyento at may nakaumbok pang baril sa baywang.
Pero nang papalapit ang grupo ni Dela Cruz, natunugan ng mga holdaper at nagsisakay sa kanilang get-away vehicle at pinaharurot papuntang Caloocan city.
Ano pa man, ang habulan ay natapos sa Morning Breeze Subd., Caloocan City. Nagresulta ang operasyon sa pagkaaresto nina Noli Balistoy alyas Hammer; Raynier Reyes alyas BMW, incumbent Brgy. Kagawad ng Brgy. 59 Zone 5, sa Manila at Reyford Jefferson Reñola alyas Kia. Nakompiska sa mga suspek ang tatlong kalibre. 38.
O, ano kayo, akala ninyo nag-lay low ang QCPD laban sa inyong grupo. Maling mali ang inyong pag-aakala. Nasa labas man si Esquivel, nananatili pa rin ang kanyang direktiba sa kanyang mga pinag-iwanan ng command.
Kaya sa pananatiling pagkaalerto ng QCPD, nasawata ang nakatakdang panlolooob at panghoholdap sa E Gaming.
Hindi lamang ang pagkasawata sa holdapan ang nalutas kung hindi maging ang mga nagawang krimen ng sindikato. Sa pagkakaaresto sa tatlo, nalutas na rin ng QCPD ang iba pang kasong panghoholdap ng tatlo hindi lamang sa lungsod kung hindi maging sa karatig lungsod at lalawigan.
Kung baga, sa isang operasyon ng CIDU, marami-rami rin ang nalutas.
Ang sindikato ang responsable sa panghoholdap sa mga sumusunod na E-Gaming sa Mindanao Avenue Brgy. Pag-asa, QC (May 5, 2018); January 22, 2018 – Amusement and Game sa Mc Arthur Highway, Brgy. Abangan Sur, Marilao, Bulacan; April 20, 2018 sa Bingo Boutique sa Anaw St., Brgy. Balingasa, QC: April 30, 2018 sa Gamezone Del Monte Branch sa Talayan 1, Brgy. Talayan; May 10, 2018 sa Game Zone X- Treme Inc., Sumulong Highway, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City; May 23, 2018 sa Cool Games, Lucky Gold, Robinsons Bldg., Ortigas Ave., Extension, Brgy. Rosario Pasig; May 27, 2018, sa Total Gamezone Xtreme Service Aranque branch sa Recto Ave., cor. T. Alonzo St., Sta, Cruz, Maynila; July 11, 2018 sa Bingo Botique sa Dalandanan, Valenzuela City.
Ilan lamang ito sa mga pinasok at hinoldap ng grupo.
Kaya, sa mga sindikato na nagpaplanong maghasik ng katarantadohan sa lungsod, huwag na huwag na ninyong ituloy ang mga plano ninyo, dahil kailanman ay hindi natutulog sa pansitan ang QCPD sa pagpapatupad ng direktiba mula sa NCRPO laban sa kriminalidad.
Hindi rin nagbibiro si Esquivel sa pagpapatupad ng kanyang kampanya. Kahit saan kayo magtago, abot kamay kayo ng QCPD.
Bago ang pagkabuwag ng grupong ito, matatandaan na nabuwag din ng QCPD ang grupong kilala naman sa pagnhoholdap ng mga resto sa lungsod.
Congrats QCPD!