MAHILIG gumawa ng ‘sunog’ ang bright boys ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang siste, kung sino man ‘yang bright boys na ‘yan, wala nang originality ang kanilang diskarte.
Hindi lang kinopya, ginagad na lang sa mga pumatok na ‘spin.’ Kumbaga paulit-ulit na lang.
Kung inakala ng bright boys ni Tatay Digs na nabuhusan nila ng ‘kakaibang’ pamatay ang ‘apoy’ na papunta na sa kanilang teritoryo, nagkakamali sila.
Pinarami lang nila ang sunog.
Inilipat nila ang sunog kay Senator Antonio Trillanes IV sa pag-aakalang malilimutan ng nagugutom na mamamayan ang isyu ng inflation, krisis sa bigas, paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pa.
Pero nagkakamali sila.
Pansamantala lamang pag-uusapan ang isyu ng pagpapaaresto kay Senator Trillanes matapos bawiin ang amnestiya na iginawad ng naunang administrasyon.
Nagkaroon tuloy ng pambansang debate, puwede bang bawiin ang naigawad na amnestiya?!
Pero hayaan na natin sa ‘matatalinong’ umaastang mga abogado ang debate. Dito na tayo sa katawa-tawang reaksiyon ng ‘bright boys’ ni Tatay Digs.
Mantakin ninyong ‘napikon’ kay Senator Trillanes at nagmagaling ang mga ‘urot-sulsol’ kay Presidente?!
Hayan, nagpapasalamat ngayon si Senator Trillanes dahil habang sinisiil at sinusupil siya ng administrasyon ay lalo siyang pinag-uusapan ng sambayanan at lalong nagbibigay ito sa kanya ng kredebilidad.
Heto ngayon ang tanong, paano kung magtagumpay ang pagbawi ng amnestiya kay Senator Trillanes?!
Ganoon din ba ang mangyayari sa ibang nabigyan ng mga amnestiya kabilang si kasalukuyang Office of the Civil Defense deputy administrator Nick Faeldon at iba pa?
Ibig nating sabihin, maraming madadamay sa bawi-amnesty na ito kay Senator Trillanes.
Naisip kaya iyon ng kung sinong urot-sulsol?!
Sino kaya ang lulutang sa isyung ito?!
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com