MAHILIG gumawa ng ‘sunog’ ang bright boys ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang siste, kung sino man ‘yang bright boys na ‘yan, wala nang originality ang kanilang diskarte.
Hindi lang kinopya, ginagad na lang sa mga pumatok na ‘spin.’ Kumbaga paulit-ulit na lang.
Kung inakala ng bright boys ni Tatay Digs na nabuhusan nila ng ‘kakaibang’ pamatay ang ‘apoy’ na papunta na sa kanilang teritoryo, nagkakamali sila.
Pinarami lang nila ang sunog.
Inilipat nila ang sunog kay Senator Antonio Trillanes IV sa pag-aakalang malilimutan ng nagugutom na mamamayan ang isyu ng inflation, krisis sa bigas, paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pa.
Pero nagkakamali sila.
Pansamantala lamang pag-uusapan ang isyu ng pagpapaaresto kay Senator Trillanes matapos bawiin ang amnestiya na iginawad ng naunang administrasyon.
Nagkaroon tuloy ng pambansang debate, puwede bang bawiin ang naigawad na amnestiya?!
Pero hayaan na natin sa ‘matatalinong’ umaastang mga abogado ang debate. Dito na tayo sa katawa-tawang reaksiyon ng ‘bright boys’ ni Tatay Digs.
Mantakin ninyong ‘napikon’ kay Senator Trillanes at nagmagaling ang mga ‘urot-sulsol’ kay Presidente?!
Hayan, nagpapasalamat ngayon si Senator Trillanes dahil habang sinisiil at sinusupil siya ng administrasyon ay lalo siyang pinag-uusapan ng sambayanan at lalong nagbibigay ito sa kanya ng kredebilidad.
Heto ngayon ang tanong, paano kung magtagumpay ang pagbawi ng amnestiya kay Senator Trillanes?!
Ganoon din ba ang mangyayari sa ibang nabigyan ng mga amnestiya kabilang si kasalukuyang Office of the Civil Defense deputy administrator Nick Faeldon at iba pa?
Ibig nating sabihin, maraming madadamay sa bawi-amnesty na ito kay Senator Trillanes.
Naisip kaya iyon ng kung sinong urot-sulsol?!
Sino kaya ang lulutang sa isyung ito?!
Abangan!
MARIÑAS MAASAHAN SA MUNTINLUPA
Nito lang nakaraang buwan ay nasubok muli ang pagiging matulungin ni Immigration Deputy Commissioner and Ports Operations Division Chief Marc Red Mariñas.
Bilang handog at tulong ni Red ay naglunsad siya ng programang “Oplan Sagip Mata” sa kanyang mga kababayan sa Muntinlupa City.
Layon nito ang mabigyan ng tsansa ang mga kapos-palad na walang kakayahang ipaopera ang mga mata nilang may katarata at iba pang sakit na may kaugnayan sa kanilang paningin.
Nagpamahagi rin siya ng libreng “eyeglasses” at may kasama pang pakain sa mga naghihikahos lalo sa mga kabataan.
Bagama’t may mga nagsasabi na ginagawa niya ito para sa kanyang inaasahang kandidatura, lingid sa kaalaman ng iba’y taos-puso ang ginagawa niyang pagtulong hindi lang sa mga taga-Muntinlupa kundi maging sa malayong siyudad ng Marawi.
Ilang daang mga kapatid nating Muslim na naging biktima ng mapaminsalang giyera ang hinandugan niya ng libreng sapin sa paa.
Kahit pa nga nagdadalawang-isip si Depcom Red na lumahok sa darating na halalan, mismong mga constituents na niya ang humihiling ng kanyang serbisyo para sa pagbabago ng naturang lungsod.
Kailan lang ay nagkaroon ng survey kung sino ang nasa puso ng mga taga-Munti, lumitaw sa kanilang survey na konti lang ang inilamang ng kasalukuyang namumuno sa kanya.
Considering bagito pa at masasabing kulang pa sa karanasan sa ganitong larangan, kanyang pinatunayan na kaya niyang paglingkuran ang masa gaya rin ng paglilingkod na kanyang ginagawa sa ahensiyang kanyang ginagalawan.
Kung sakali man na kapalaran niya ang masadlak sa mas malawak na serbisyo publiko, naniniwala tayo na mapalad ang mga makakaranas ng paglilingkod ng isang Marc Red Mariñas!
Immigration loss would be Muntinlupa’s gain!
PUERTO PRINCESA INT’L AIRPORT PALPAK RIN!?
Kung gaano raw ka-high-tech o kamoderno ang bagong Mactan Cebu International Airport Terminal 2 ay siyang kabaligtaran raw naman ng bagong bukas na Puerto Princesa International Airport(PPIA).
Sa mga daraan sa nasabing airport, makikitang bago ang mga kagamitan pati ang mga immigration counters ng naturang airport.
Pero ano itong narinig natin na nagtatago raw sa panlabas na anyo ang PPIA?
Napakainit umano ng airconditioning system nito at talagang hindi raw mago-good condition once na pumasok sa nasabing lugar?!
Weeeh?!
Alam kaya ng PPIA management o ng CAAP ‘yan?
O sadyang always feeling summer season lang sila sa lugar?
At least sa Kalibo International Airport, may consistency naman.
Hindi lang airconditioning system ang lok-bu kundi ang pasilidad ng buong airport?!
Hehehe!
At international pa man din ‘yan ha?!
Tuloy sa PPIA, panay ang hinagpis ng mga napadaan na dayuhan.Talagang parang “lechon” daw ang pakiramdam nila sa tindi ng init sa loob ng airport na ginagalawan nila!
OMG!
Para ka rin nag-abroad puntang Saudi Arabia!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com