NAKALULUNGKOT na sa kabila ng pagiging isang bansang agrikultural ng ating bayan ay dumaranas tayo ngayon ng kasalatan sa bigas.
Dangan kasi maraming mga taniman ng palay, lalo sa Gitnang Luzon, na ginawang subdivision upang makaiwas ang mga panginoong maylupa o landlord sa land reform. Ang kawalanghiyaang ito ng mga panginoong maylupa ay hinayaan naman kasi ng landlord dominated na kongreso kaya ang resulta, nagdarahop tayo ngayon sa bigas.
Ang masakit nito ay mas pinasasama pa ang masamang kalalagayan o ang krisis ng mga sakim na mangangalakal at smuggler ng bigas na siya ngayong nagpapasasa sa pagdarahop na ito.
Ngayon, isaing ninyo ang mga subdivision para may makain ang taong bayan.
***
Abogado si Pangulong Rodrigo Duterte pero bago dapat natin malaman na bago siya naging lisensyadong mananaggol ay kinailangan muna niyang sumumpa (lawyer’s oath) sa Diyos at Bayan na itatanghal ang ating Saligang Batas.
Bukod sa panunumpang ito ay muli siyang sumumpa sa Diyos at Bayan na kakalingain at ipagtatanggol ang Saligang Batas matapos siyang itanghal na Pangulo ng bansa. Ito naman ‘yung tinatawag na Oath of Office na nasaksihan ng marami sa telebisyon.
Sa madaling salita, at least, ‘ika nga sa Ingles, dalawang beses siyang sumumpa sa Diyos at Bayan nang katapatan sa Saligang Batas, pero kamakailan ay ipinakita niya na malinaw na malinaw na balewala pala sa kanyang sinumpaang tungkulin kaugnay sa pagtatanghal at pagtatanggol ng Saligang Batas.
Dangan kasi malinaw sa Rule of Succession na nakasaad sa Saligang Batas na kung sakaling siya ay bumitiw o mawala sa poder ang VP ng bansa ang papalit sa kanya.
Pero ano ang kanyang huling pahayag? Ayaw daw niyang si VP Leni Robredo ang pumalit sa kanya kung siya ay mawala. Ang gusto raw niya ang anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang maging kapalit o di kaya ay dapat magbuo ng isang junta militar para pamunuan ang bansa.
Malinaw sa kanyang mga pahayag ang kanyang pagwawalang bahala sa sinumpaang gampanin sa Diyos at Bayan. Haaay laway lang pala sa kanya ‘yun.
Kawawang Filipinas.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.
Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores