BER months na, at alam na natin kapag pumasok ang panahong ito halos lahat ng mamamayang Filipino ay naghahanda sa paparating na Pasko, lalo na ang kanilang pagsasalu-salohan sa araw ng Noche Buena.
Pero ngayon pa lang ay nangangamba na ang mga Filipino kung makapagdiriwang pa ba sila ng kanilang Pasko.
Nitong mga nagdaang buwan ay halos araw-araw na nagtaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kaya hindi malayong matakot at mangamba ang ating mga kababayan na lalo pa itong magtaasan ngayong papalapit ang Pasko.
Kaya panawagan natin kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na siguraduhin na kung hindi man kaya ng pamahalaan na ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kahit man lang sana ngayong darating na Kapaskohan ay matiyak na hindi tataas ang presyo ng mga inihahanda ng maliliit na mamamayan sa kanilang hapag sa Noche Buena.
Kung kaya ni Duterte at ng kanyang Gabinete na maghanda ng mga espesyal at mamahaling pagkain sa Noche Buena, baka naman puwedeng pagbigyan na ang maliliit na mamamayan na makapaghanda kahit man lang spaghetti at “tasty” na sa kanilang budget ay sasapat.