MARAPAT lamang na tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok ng Estados Unidos na bentahan tayo ng F-16 multi-role fighting aircraft dahil nakita niya ito na isang paraan ng manipulasyon upang mapanatili tayong mga Filipino sa ilalim ng laylayan ng mga Kano.
Matagal nang mahusay na ginagamit ng mga Kano ang pagbebenta ng mga pinaglumaang armas sa atin para manatili tayong sunod-sunuran sa kanilang kagustuhan. Ginagamit nila itong isang paraan ng pamimilit upang sumunod tayo, lalo na ang ating Hukbong Sandatahan, sa mga patakaran na ibinababa ng Washington.
Ang Washington ang nagsasabi at ang mga sinanay naman nilang lokal na lider (ang mga makabagong Quisling na karamiha’y mula sa mga tradisyonal na makapangyarihang pamilya) ang tumitiyak kung sino ang ating mga magiging kaibigan, kaututang dila, kanegosyo at kung paano natin patatakbuhin ang ating pamahalaan.
Kaya laking galit nila ng nasabihin ni Duterte na sa mga Russo at Intsik na tayo bibili ng ating mga armas. Masisira kasi ang isa sa mga subok na pamamaraan kung paano tayo kinokontrol ng Washington.
***
Hindi maka-digmaan ang Usaping Bayan, pero sa mga kaganapan ngayon sa mundo ay dapat na tayong bumili at masanay na gumamit ng ripleng Kalashnikov, tangke na T-72, T-90, mga eroplanong Sukhoi at Mig, mga submarinong Kilo at Akula class, mga Udaloy class destroyer etc… Ang mga nabanggit ay mura na at maaasahan pa sa larangan ng digmaan kompara sa mga armas na inaalok sa atin ng mga Kano.
***
Hindi ba kayo nagtataka kung bakit puro mga bulok o pinaglumaan na armas ang ibinebenta sa atin ng mga Kano gayong panay ang kanilang banggit sa ating espesyal na relasyon sa kanila? Bakit mga helicopter at armored personnel carrier na panahon pa ng Vietnam war o ‘di kaya ay mga cutter ng kanilang coast guard na iniretiro na at walang armas ang ibinibigay na ayuda sa atin? Bakit hindi tayo binibigyan ng mga makabagong armas tulad ng jet planes, air to air o surface to air missiles, mga barkong destroyer, frigate, cruiser o helicopter carriers?
Kasi takot ang mga Kano na baka maraming Filipino ang tulad ni Duterte na naghihintay lamang ng pagkakataon upang lagutin ang gintong tanikala na kanilang pinanggapos sa atin. Sinubukan nilang tayo’y lansihin sa pamamagitan ng kanilang sistema ng edukasyon, wika, at dekadenteng kultura pero may palagay sila na hindi lahat ay naloko nila, isang patunay si Rodrigo Duterte na bigo ang kanilang balak para sa atin mula nang dumating ang Thomasites sa ating dalampasigan.
***
May palagay ang mga Kano na marami pa rin ang mga katulad ni Benigno Ramos, Artemio Ricarte, Lope K. Santos, Eulogio Rodriguez, Dr. Jose P. Laurel, Renato Constantino Sr., Teodoro Agoncillo, Jose W. Diokno, Lorenzo Tañada, I.P. Soliongco, Guillermo Capadocia, Luis Taruc, Macario Sakay, Agueda Kahabagan, Torres Bugallon, Don Claro Mayo Recto, Isabelo de los Reyes, Bart Pasyon, Apolinario Mabini, Julian Montalan, Francisco Carreon, Leon Villafuerte, Benito Natividad at Col. Lucio de Vega ngayon na bitbit ang damdaming makabansa, mga tao na naniniwalang dapat maging tunay na malaya mula sa diwa hanggang kaisipan ang mga Filipino.
Kudos sa pag-kakataong ito kay Pangulong Duterte.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.
Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores