ISANG putol na binti ng tao na nakalagay sa isang timba ang iniwan sa tumpok ng mga basura ng isang lalaking nakasuot ng face mask sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Inihayag ng street sweeper na si Inoy Abis, 28, kay PO2 Aldrin Matining, dakong 1:00 pm, habang siya ay nagwawalis sa C-3 Road, huminto ang isang lumang modelo ng sasakyan na walang plaka, malapit sa kanto ng M.H. Del Pilar St., Brgy. 113.
Bumaba ang isang lalaking nakasuot ng face mask at iniwan sa tumpok ng mga basura ang pulang timbang may takip saka nagmamadaling sumakay sa naturang sasakyan at mabilis na umalis.
Nang tingnan ni Abis ang laman ng balde, laking gulat niya nang mabatid na putol na kanang binti ng tao ang laman nito kaya agad niyang ipinagbigay-alam kay Barangay 113 Kagawad Joemar Salas na siyang nag-report sa himpilan ng pulisya.
Agad nagresponde sina PO1 Emmanuel Garcia, Jr., at PO1 Harris Tabo ng Caloocan police mobile patrol, sa naturang lugar, at dinala ang putol na binti sa PNP Crime Laboratory upang mabatid ang pagkakakilanlan ng biktima sa pamamagitan ng DNA examination. (R. SALES)