ARESTADO ang dalawang hinihinalang miyembro ng Salisi gang sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ng Pasay City Police, makaraan nakaw ang clutch bag ng isang Chinese na naglalaman nang mahigit P4 milyon halaga ng mga gamit at salapi habang kumakain sa isang restaurant sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores ang dalawang suspek na sina Richard Rivera, 38, residente sa Block 33, Lot 20, Brgy. Bangkal, Silang, Cavite, at Joseph Feliciano, 45, driver, nakatira sa Santa Quiteria, Caloocan City.
Habang hinahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na nagsilbing look-out na si Wilson Manda, 34, residente sa Block 32, Lot 2, Angeles St., City Homes, Sampaloc IV, Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Chief Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB), nitong nakalipas na Miyerkoles (22 Agosto) habang kumakain ang biktimang si Quing Rong Li, 42, Chinese national, negos-yante, taga-Binondo, Maynila, sa Xiao Long Kan Restaurant sa East Field Center sa Macapagal Boulevard, Brgy. 76, ng lungsod, tinangay ng mga suspek ang clutch bag ng dayuhan na nakalagay sa upuan.
Sa pamamagitan ng CCTV footage ay nakita ang pagdating ng isang sasakyan at pagpasok ng mga suspek sa restaurant at pagkuha nila sa bag ng biktima.
Nakita rin sa CCTV footage ang plaka ng sasakyan ng mga suspek na nirentahan lamang mula sa isang rent a car company.
Sa follow-up operation ay nadakip ang dalawang suspek sa Bangkal, Silang, Cavite ngunit tanging driver’s license, VIP casino card, ATM cards at tsekeng may halagang P1.5 milyon lamang ang nabawi.
Hindi nabawi ang ibang laman ng bag ng biktima katulad ng isang iPhone, na P50,000 ang halaga, tseke na may halagang P3.5 milyon, at P250,000 cash.
Sinampahan ng kasong theft at paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code ang mga suspek. (JAJA GARCIA)