KAMAKAILAN ay naiulat sa mga pahayagan na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos ay nagsabing dapat nang mag-”move on” ang mga tumutuligsa sa kanyang pamilya kaugnay sa madugo nitong paghahari bansa sa loob nang 20 taon.
Patutsada ng panganay na babaeng anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, “the millennials have moved on, and I think people at my age should also move on as well.”
Hmmmm, sa pagsasabi nang gayon ay malinaw na ang gustong mangyari ni Imee ay kalimutan na natin ang bilyong piso na ninakaw mula sa kaban ng bayan, ang libong mamamayan na pinatay, pinahirapan at nawala sa panahon ng diktadura ng kanyang ama.
Imbes humingi ng tawad para sa mga maling nangyari, ang gusto ni Imee ay isipin na lamang natin na parang walang nangyari. Gusto niyang ibasura na lamang natin ang pananaghoy para sa katarungan at isulat sa tubig ang lahat nang naganap.
Magaling na panukala mula sa isang walang turing sa bayan kundi kawalang-galang at paghamak o contempt.
***
Sabi ng matatanda, ang kasalanan ng magulang ay ‘di kasalanan ng anak pero kung malinaw sa anak at pinakinabangan nito ang kasalanan ng magulang, kasalanan na rin ng anak ang kasalanan ng magulang.
***
Nasa Los Angeles ang apo ni Ferdinand Marcos at anak ni Imee na si Matthew Marcos Manotoc noong isang linggo at abala sa pagre-rehabilitate ng kanilang pangalan.
Sabi ng batang Marcos Manotoc sa kanyang mga tagapakinig ay: “We will be remembered for what we give and not what we keep.”
Mahusay na natutuhan ng batang ito ang kahalagahan ng kakaibang pag-iimpok kaya walang mali na may ‘isinubi’ ang kanyang pamilya noong panahon ng diktadura ng lolo niya. Sa katunayan ay hinikayat pa niya ang mga Fil Am na nakikinig na tumulong sa pagbabalik ng isang Marcos (tatakbo umanong senadora ang kanyang nanay) sa Senado, siguro para makapagsubi uli sila.
***
Ang kasalanan pala ng magulang ay kasalanan na rin ng anak at ng apo… haaaayyyyy… kawawang bayan. Onli in da Pilipins.
***
Malaki ang utang na loob sa mga Marcos ng mga sumunod na nagpasasa sa kaban ng bayan dahil ang mga Marcos ang umukit ng template kung paanong makababalik sa poder sa loob ng 20 taon na hindi nananagutan sa mga dapat ay pinanagutan.
Hangga’t hindi marunong tumindig ang bayan laban sa mga pang-aabuso at kaalipustahang naranasan ay patuloy at paulit-ulit itong pagsasamantalahan.
***
Ngayong araw na ito ay kaarawan ng aking yumaong ama na si Bartolome Panelo Flores. Itay saan man kayo ay happy birthday po. Dala ko ang mga turo ninyo sa akin kaya huwag kayong mag-alala.
***
Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.
Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.
USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores