KAMAKAILAN, sa harap ng puntod ng yumaong Ferdinando Poe Jr., sa Manila North Cemetery, ginunita ng ilang tagasuporta ang ika-79 anibersaryo ng kapanganakan ng tinaguriang “Hari ng Pelikulang Pilipino.”
Nakalulungkot mang sabihin, pero hindi tulad noong mga nakaraang taon, higit na mas marami ang nagtutungo sa puntod ni FPJ. Maging anibersaryo man ng kapanganakan o ng kanyang kamatayan, ang mga tagasuporta at nagmamahal ay hindi nakalilimot kay FPJ.
Pero totoo nga bang nilimot at tinalikdan na si FPJ?
Hindi! Marami ang nagmamahal kay FPJ, at naririyan lamang sila at naghihintay para tuluyang makapaningil sa nangyaring pagkamatay ng kanilang idolo.
Hindi malilimot at maiibsan ang galit ng mga supporter ni FPJ kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kumbisido at naniniwala silang ang pagkamatay ng kanilang idolo ay dahil sa ginawang pandaraya ni GMA kay FPJ noong 2004 presidential elections.
At ngayon, higit na matinding galit ang nararamdaman ng mga tagasuporta ni FPJ. Sa kabila ng kawalang hustisyang nakamit sa kanyang pagkamatay, parang “biro ng langit” ang nangyari nang makabalik pa sa kapangyarihan ang kanilang isinusumpang si GMA.
Sa pamamagitan ng isang kudeta, naluklok bilang speaker ng House of Representatives si GMA kapalit ni dating Speaker Pantaleon Alvarez. Sa ngayon, si GMA ang isa sa pinakamakapangyarihang politiko sa bansa.
Kaya nga, nararapat lang na kumilos si Senator Grace Poe. Hinog ang sitwasyon para muling manariwa sa kamalayan ng taong bayan ang ginawa ni GMA kay FPJ. Hindi dapat makontento si Grace sa karampot na “media exposure” na ibinibigay kay FPJ.
Hindi sapat ang “social media” para maabot ang taong bayan sa mga kaganapang may kaugnayan kay FPJ. Mayroon man lang ba tayong nakitang nakasabit na tarpaulin sa mga kalye sa paggunita ng anibersaryo ni FPJ?
Nakalulungkot dahil bukod sa madalang na pagpapalabas ng mga pelikula ni FPJ sa telebisyon, tanging sa anibersaryo lang ng kanyang kamatayan at kapanganakan muling naaalala si Da King, ang taong minsan ay nagbigay ng pag-asa sa maliliit nating mga kababayan.
Maraming magagawang aktibidad para muling maalala ang masakit na sinapit ni FPJ sa kamay ni GMA. Ang paglulunsad ng maliliit na kilos-protesta ay maaaring gawin, symposium o talakayan, at patimpalak sa pagguhit at pagtula sa buhay ni FPJ.
Hindi pa huli ang lahat, pero siyempre si Grace pa rin kasi ang makapagdedesisyon kung patuloy niyang ipaglalaban ang kanyang amang si FPJ. Hindi natin makalilimutan ang sinabi ni Grace nang una niyang pasukin ang mundo ng politika… “ang inumpisahan ng tatay ko, ipagpapatuloy ko!”
Sana nga, sana nga…
SIPAT
ni Mat Vicencio