Friday , November 15 2024

Mga salamisim 5

KAHAPON ay ginunita ng marami ang pataksil na pagpatay kay Senador Benigno Aquino Jr., sa tarmac ng Manila International Airport na mas kilala ngayon bilang Ninoy Aquino International Airport.

Naganap ang pamamaril ilang araw matapos magkaroon ng isang malaking symposium sa Pamantasang Santo Tomas na nagsalita si dating Senador Jose W. Diokno (RIP) kaugnay sa nagaganap na pandarahas ng rehimeng Marcos laban sa mga katunggali nito. Isa ang symposium na ito sa mga nagmulat sa mata ng maraming kabataan at estudyante ng nasabing pamantasan at dahil din dito ay nag-umpisang yumabong ang kasapian ng mga progresibong kilusan sa campus.

Linggo ng hapon nang mabalita sa amin sa Distrito ng Sta. Cruz, Maynila ang asasinasyon ni Ninoy at ‘di kalaunan ay napuno ang kalye sa aming barangay dahil sa isang biglaang rally ng mga taga-sa-amin. Mula noon ay hindi na natahimik ang diktadurang Marcos at hindi naglaon ay napatalsik sa poder.

Gayonman ay nakalulungkot na mukhang hindi nagtanda ang bayang Filipinas sa mga naging karanasan nito noong panahon ng diktadura dahil na rin sa ipinakitang walang kuwentang pamumu­no ng mga sumunod na administrasyon. Nagmukhang santo ang mga Marcos dahil sa kabi-kabilang katiwalian na napabalita sa panahon ng mga sumunod na pamunuan, umpisa sa administrasyon ni Aling Cory.

Nariyang nagkaroon umano ng Kamag-anak Inc., naibenta raw ang mga lupain ng pamahalaan, lumaganap kuno ang droga at sugal, sabi-sabing na-corrupt ang officer’s corp, pinagkitaan daw ang mga sangay ng pamahalaan at bulong-bulungang may mga pumatol sa sindikato ng droga.

Ang mga kontrobersiyang ito ang dahilan kaya nakababalik ngayon ang mga luma o matatandang elemento ng panunupil at kanilang matiyagang nililinis ang tala ng ating kasaysayan sa pagta­tangkang baguhin ito at palabasain na mabuti para sa ating ang diktadurang Marcos at masama ang antidote nitong demokrasya.

Sa mga kumilos at tunay na nakaaalam ng katotohanan, dapat ay ilantad at tutulan, hindi lamang ang pagiging hungkag ng diktadura, kundi ang pagiging bulaan ng mga sumunod na liderato. Dapat muling makiisa sa masa at pandayin ang bagong Filipinas upang sa susunod ay hindi na natin babalik-tanawan pa ang 21 Agosto, 21 Setyembre o ang huling linggo ng Pebrero.

***

Binabati ng Usaping Bayan si Lyvinna “Bing” Lim dahil sa pagiging 2nd placer na Best Inspired Dealer Achivement (BIDA) awardee ng The Filipino Channel-North America para sa Texas. Samant­ala, ang kanyang kapatid naman na si Leona Sala ang highest BIDA awardee sa Hawaii at buong North America.

Congrats sa inyong magkapatid at sa iba pa na nadeklara ng TFC na BIDA.

***

Pasyalan nin­yo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagba­bagang panahon. Sana ay makau­galian din ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

Pasyalan n’yo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

USAPING BAYAN
ni Nelson Forte Flores

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *