KUNG ano-ano ang ipinamamahagi ng gobyerno sa taong bayan bilang bahagi ng social services. Mga gamot, Philhealth, libreng pagpapa-ospital, pawang medical services, na isa sa pangunahing dahilan o sanhi ng masamang kalusugan ay dahil sa basura. Walang sapat na disiplina ang ating gobyerno!
***
Suhestiyon lang po, bilang isang mamamayan ng bansang Filipinas, tutal may pondo ang bawat barangay na mamahagi ng mga garbage bag na paglalagyan ng mga basura ng mga naninirahan sa mga tabi ng creek upang maiwasan ang pagtatapon sa mga dagat o sa creek na may daluyan ng tubig upang hindi na maulit pa ang pagbuhos ng mga basura sa Roxas Blvd., sa panahon ng bagyo na kasama ng malalakas na alon na humampas sa mga break water!
At nang hindi makayanan ay umakyat ang tubig kasama ng mga basura na itinapon ng mga walang disiplina nating mga kababayan!
***
Kung bawat residente ay bibigyan ng garbage bag at may sapat na lugar na tapunan na hahakutin ng mga garbage truck wala nang nakatambak na mga basura nila sa tubig ng creek, ilog o dagat. Oo kapabayaan ng taong bayan ang mga waste material, pero sino ang magagambala ‘di ba ang ating gobyerno? Ang mga taong dadakot ng mga nagkalat na basura ay mga taong pinasusuweldo ng ating pamahalaan na ang kanilang suweldo ay buhat sa taxpayers habang ang mga walang disiplina nating kababayan ay hindi taxpayers!
***
Dahil sa mga basura hindi man panahon ng tag-ulan, tag-init man, apektado ang kalusugan partikular sa mga musmos na kabataan. At sa pagbibigay ng mga garbage bag ay isa na itong information drive ng bawat barangay kasama ang mga taga-City Health Office, ang magkaloob ng mga garbage bag na dapat ang Department of Health at isa ito sa kanilang social services hindi ‘yung bigay nang bigay ng mga gamot na mas malaki pa ang naibubulsa sa presyo ng gamot na ipinamimigay!
Bago ninyo bigyan ng gamot, lalagyan muna ng basura ang ipamigay para balang araw ay mabawasan ang mga taong nagkakasakit!
ISUMBONG MO
KAY DRAGON LADY
ni Amor Virata