MALINAW ang mensahe ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na gugustuhin niyang si dating Senador Bongbong Marcos ang pumalit sa kanya sakali mang siya ay magbitiw sa kanyang puwesto bilang presidente ng Filipinas.
Pero “panic” kaagad ang grupong dilawan at mabilis na kinontra ang pahayag ni Digong dahil kung susundin daw ang Konstitusyon sa isyu ng pagpapalit ng pangulo si Vice President Leni Robredo ang dapat na humalili bilang pangulo.
Kung tutusin, wala namang dapat ikabahala ang oposisyon dahil mismong si Digong ang naglinaw sa kanyang pahayag tungkol sa pagpapalit ng pangulo, at ito nga raw ay “kanyang naisip lamang o masasabing walang legal na batayan.”
Ang problema kasi sa grupong dilawan ay “lundag nang lundag” kaagad kapag nakakita ng butas laban kay Digong. Hindi nila iniisip na maaaring inuurot lamang sila ni Digong para lumutang kung paano sila gagalaw o poposisyon sakaling magbitiw nga siya sa kanyang puwesto.
At nagkakamali ang oposision partikular ang grupong dilawan na hindi maaaring mangyari ang sinasabi ni Digong na ang papalit sa kanya ay si Bongbong. Dapat isipin ng grupong dilawan na kung mananalo si Bongbong sa kanyang protesta sa Presidential Electoral Tribunal (PET), tiyak na magkakatotoo ang sinabi ni Digong.
At dapat talagang mataranta ang grupong dilawan dahil ang pahayag ni Digong sa kanyang pagbibitiw sa puwesto ay mukhang isang pahiwatig sa mga mahistrado sa Korte Suprema na madaliing resolbahin ang protesta ni Bongbong laban kay Leni.
Sa kasalukuyan, mayorya ng SC na miyembro ng PET ay pawang kakampi ni Digong at hindi malayong kaagad madesisyonan ang protesta ni Bongbong at tuluyang masibak si Leni bilang pangalawang pangulo.
Kung totoo ngang sa susunod na taon ay magkakaroon ng desisyon ang PET, tiyak na tama pa rin ang sinabi ni Digong na siya ay magbibitiw at ang kanyang nonombrahan bilang bagong pangulo ay si Bongbong.
Kung mangyayari ito, parang nakahulagpos sa bigkis ng sawa si Digong sa problemang kanyang kinakaharap.
At sa bahagi naman ni Bongbong, tiyak na parang pasan niya ang buong daigdig sa problemang kanyang kakaharapin kung siya man ay maging pangulo ng bansa.
Dito kasi magkakaroon ng tunay na “united front” ang oposisyon para pabagsakin si Bongbong.
Mula sa kaliwa, gitna at kanang puwersa tiyak na uulanin ng walang humpay na kilos-protesta si Bongbong hanggang mapaalis siya sa kanyang puwesto.
Nakakatakot ang maaaring mangyari dahil baka matulad si Bongbong sa kanyang amang napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng tinatawag na “People Power.”
SIPAT
ni Mat Vicencio