PAGMAMAHAL, kalinga, at pag-asa ang naghihintay sa mas marami pang kabataan sa muling paglulunsad sa Bantay Bata 163 Children’s Village ngayong taon.
Nagsilbi nang tahanan sa mahigit 1,000 bata ang Children’s Village na binuksan ng Bantay Bata 163 noong 2003 para matulungang gumaling at makabangon mula sa dinanas na pang-aabuso ang mga batang naisalba nila.
Sa mas pinagandang pasilidad at programa, higit na may kakayahan ang Children’s Village ngayon na magbigay ng lakas at kaalaman sa mga biktima ng child abuse para sila ay maging matatag na miyembro ng ating komunidad.
“Sa kabutihan ng ating mga donor at katuwang na organisasyon tulad ng local government ng Quezon City, mabibigyan na ng Bantay Bata 163 ng mas magandang tahanan ang mga batang nakaranas ng pang-aabuso at nangangailangan ng ating pagmamahal, pag-unawa, at pangangaalaga para makamit nila ang magandang kinabukasan,” ani Jing Castaneda-Velasco, program director Bantay Bata 163.
Ayon kay Jing, kayang pangalagaan ng Children’s Village ang hindi bababa sa 120 na inabusong bata, sa parehong pisikal at psychological na pamamaraan, sa isang lugar na mararamdaman nila ang pagmamahal ng isang pamilya. Nakaantabay sa kanila ang mga social worker, health care professional, at house parent sa complex, na matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan.
Mayroon din silang meditation room, music room, arts and crafts room, library, at eskuwelahan para sa mga maliliit na bata, samantalang hatid sundo nila ang mas matandang mga bata sa mga kalapit na paaralan.
Tinuturuan din ang mga bata ng iba’t ibang skills upang maging handa silang maging parte uli ng lipunan mula pagluluto hanggang pagnenegosyo. Maging ang mga magulang at pamilya nila ay hinahanda rin sa kanilang pagbabalik sa pamamagitan ng values formation.
Sa ginanap na press conference para sa relaunch ng Children’s Village kahapon, ibinahagi ng isang benepisyaryo ng Bantay Bata 163 kung paano siya natutong bumangon at tumayo sa sarili para sa patuloy na pangangalaga at pagpapaaral sa kanya ng Bantay Bata 163.
“Malaking tulong sa akin ang pag-aaral, lalo na sa sitwasyon ko na walang-walang nagmamahal o nag-aalaga sa akin,” aniya. “Dahil sa tulong nila nahanap ko ang kompiyansa sa sarili at ang kagustuhang magsumikap ng mabuting kinabukasan.”
Sa pagdiriwang ng ika-21 na anibersaryo ng Bantay Bata 163 ngayong taon, patuloy na pinalalakas pa ito upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata lalo na at 80% ng mga kabataang Filipino ang nakararanas ng pang-aabuso sa salita, sekswal, o online sa kanilang buhay ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF.
Layunin ng Bantay Bata 163 na makahanap din ng mga paraan upang malabanan at maiwasang mangyari ang mga pang-aabuso, habang nangunguna sa pangangalaga ng karapatan at kalagayan ng mga bata sa pamamagitan ng mga proyekto tulad ng Children’s Village.
Para sa impormasyon tungkol sa Bantay Bata 163 Children’s Village, pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com o sundan ang @abscbnfoundationkapamilya sa Facebook. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abscbnpr.com.