ITINALAGA ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte si Wencelito Andanar, ama ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, bilang bagong ambassador natin sa Malaysia.
Ang nakatatandang Andanar, dating undersecretary ng Department of Interior and Local Government (DILG), ay nasampahan ng kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng isang property na hindi niya idineklara sa kanyang 2004 at 2005 Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN), at ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Official and Employees (RA 6713).
Ang nakapagtataka, dalawang taon ang nakararaan, ay biglang iniatras ‘daw’ ng Ombudsman State Prosecutor ang kaso laban kay Andanar matapos maisalin sa iba ang hindi naideklarang property sa Surigao.
Taong 2016 ay si Conchita Carpio-Morales ang Ombudsman at kung hindi tayo nagkakamali, si Andanar naman ay nakaupo nang kalihim ng PCOO nang iatras ang naturang kaso sa Sandiganbayan.
Pero teka muna… hindi ba’t si Carpio-Morales ang isa sa mga nagdiin kay yumaong dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona na mapatalsik sa puwesto sa kaparehong kaso?
Lumalabas na kapag ang nakasuhan pala sa Ombudsman at Sandiganbayan ay isinalin o ibinenta sa iba ang property na hindi nakadeklara sa SALN ay mauuwi sa pagbasura ang kaso.
Kumbaga, ang magnanakaw absuwelto na sa kaso kapag ibinalik lang ang kanyang mga ninakaw.
Ngayon mapapatunayan ang pagiging patas ni Ombudsman Samuel Martires kung ang iniatras na kaso laban kay Andanar ay kasamang paiimbestigahan sa mga katiwalian na ibinulgar ng abogadang si Edna Batacan na dating state prosecutor sa Judicial and Bar Council (JBC).
Subukan natin kung totoo ang sinabi ni Martires na magiging kabaligtaran siya ni Carpio-Morales!
Abangan!
ABOGADONG PANGAHAS
NA LAGI NAMANG SILAT
BIGO na naman ang pangahas na abogadong si Ferdinand Topacio matapos ibasura ng Nueva Ecija Trial Court ang kasong murder laban sa “Makabayan 4” nitong Lunes.
Ipinawalang-bisa na rin ng hukuman ang warrant of arrest laban sa Makabayan 4 na sina Satur Ocampo, Teddy Casiño, Liza Maza at Rafael Mariano.
Tagilid si Topacio dahil sa mga isasampang kaso ng Makabayan 4 laban sa kanya.
Kung ‘di ba naman entrometido at kalahati talaga si Topacio, akalain n’yong ipangalandakan ang paglikom niya at ng kanyang pangkat ng salaping pabuya para sa ikadarakip ng Makabayan 4, gayong hindi naman siya abogado ng sinomang partido sa kaso.
Ang panawagan ni Topacio ay nagsapanganib sa buhay ng Makabayan 4, at ayon kay Atty. Rachel Pastores: “As a lawyer, siya po ay responsible sa whatever statement na sasabihin niya. At ‘yon pong pagre-raise niya ng bounty, ay talagang nakapapahamak sa buhay at seguridad ng aming mga client. Kasi saan ba siya nanggagaling? Hindi siya abogado ng private complainants, hindi ho siya abogado ng mga witnesses, wala ho siyang kinalaman sa kaso, hindi ho siya counsel of record, so bigla na lang po siyang sumulpot.”
Matagal na dapat nasampahan ng disbarment case si Topacio dahil sa malimit na pakikisawsaw at pagsakay sa mga usapin na hindi naman siya kasali at malinaw na labag sa Code of Professional Conduct ng mga abogado.
Ang masama, pati ang dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay nadamay sa pagkakalat ng lagim ni Topacio.
Dahil sa pagmamarunong ni Topacio, inuungkat ngayon ng Makabayan 4 ang “Hello Garci,” ZTE broadband deal, at mga lumang isyu laban sa dating pangulo.
Baka naman desperado lang talaga na magpapansin si Topacio at nagbabakasakaling maalok ng puwesto sa kasalukuyang administrasyon.
Pero ang ikinababahala natin, baka walang mangalap ng pondo na ipantutubos kay Topacio sakaling siya naman ang ipanawagan ng Makabayan 4 sa NPA.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid