NITONG Sabado, nabulaga naman ang mga taga-Metro Manila nang biglang magtaasan ang baha sa lahat ng siyudad na nakapaloob dito. Bagamat may manaka-nakang pag-ulan sa umaga dala ng pinagsamang Habagat at bagyong Karding, kampante ang lahat at normal ang daloy ng buhay. Marami ang lumabas ng bahay nang walang inaalalang panganib.
Pasado alas-dos ng tanghali nang makatanggap tayo ng babala sa pamamagitan ng text message galing sa NDRRMC, isang sangay ng gobyerno na responsable sa disaster response. “Orange Rainfall Alert” daw sa Metro Manila at Rizal. “Nagbabadyang pagbaha sa mababang lugar at malapit na ilog,” sabi ng mensahe.
May “time stamp” ng 12:20 pm ang babala ng NDRMMC pero 2:06 pm na natin natanggap. Ibig sabihin, halos dalawang oras ang itinagal mula nang itaas ang Orange Rainfall Alert hanggang sa maipaabot sa atin sa text message.
Pasado alas-kuwatro na ng hapon (4:22 pm) nang matanggap natin ang susunod na mensahe. “Red Rainfall Alert sa Metro Manila at Rizal. Nagbabadyang matinding pagbaha sa mababang lugar at malapit na ilog.” Tulad ng naunang mensahe, atrasado ng dalawang oras dahil 2 pm ang time stamp na nakalagay sa babala.
Isa tayo sa mga pumuri nang simulan ng NDRRMC at mga telephone companies ang pagbibigay ng babala tungkol sa mga bagyo at kalamidad sa pamamagitan ng text messages. Sabi natin noon, malaking tulong ito dahil maraming Pinoy na ang laging may bitbit na cellphone. Siguradong maaalerto ang mga mamamayan kung may nakaaambang panganib.
Pero tila nawalan ng saysay ang mga babalang ito galing sa NDRRMC kung pagbabatayan ang karanasan natin nitong Sabado. Malaking bagay ang isa o dalawang oras sa paghahanda sa panahon ng kalamidad.
Kahit mga eksperto ay nagkakaisa na sa loob lamang ng isang oras, maaaring umabot ang baha sa Metro Manila o ibang parte ng bansa hanggang sa taas-baywang. Hindi na lamang ito teorya o aralin ng mga akademiko. Ito ang nararanasan natin tuwing may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Dahil sa problemang ito, dapat na sigurong ibalik ng gobyerno ang Project NOAH sa sistema ng NDRRMC. Ito ‘yung Nationwide Operational Assessment of Hazards na proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) at University of the Philippines na sinimulan noong taong 2012.
Sa tulong ng Project NOAH, nakabuo tayo ng “storm surge warning system” para mabigyan ng babala ang mga tao na nasa peligro ng biglaang pagbaha. Nabigyan ng ganitong babala ang mga local government units panahon pa ng bagyong Yolanda pero hindi sineryoso ng mga namamahala sa mga siyudad at munisipalidad.
Nakalulungkot na hindi na natuloy ang pagbibigay ng gobyerno ng kaukulang badyet sa Project NOAH simula noong Enero 2017. Inalis na rin sila sa sistema ng NDRRMC at kasalukuyang pinamamahalaan ng University of the Philippines.
Isa sa nabinbing gawain ng NOAH ang pagkompleto ng Flood Information Network (FloodNET). Layunin nito ang pag-mapa ng mga bahaing lugar at pagbibigay ng babala sa mga eksaktong lugar na may peligro sa panahon ng tag-ulan.
Napapanahon na buhayin muli ang Project NOAH at suportahan ito ng maging ng mga telephone companies. Sa ganitong paraan, mabibigyan tayo ng karampatang impormasyon sa ating mga cellphone kung ano ang mga lugar na dapat likasin o iwasan dala ng biglaang pagbaha.
Kaunting pondo lamang ang kailangan para sa kaligtasan ng lahat.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III