NAGSAGAWA ng ‘unity ride’ ang Transport advocacy group Transport Watch, kasama ang Riders of the Philippines (ROTP), Motorcycle Rights Organization (MRO), Arangkada Riders Alliance, at libo-libong motorcycle rider sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Dakong 8:00 ng umaga nang magsagawa ng asembliya ang grupo sa UP Diliman Campus at saka sabay-sabay na ipinaarangkada ang mahigit sa 1,500 motorsiklo patungong Commonwealth Avenue hanggang sa Quezon City Circle. Layunin ng ‘unity ride’ na pakinggan ang kanilang kahilingan at aprobahan ng mga kinauukulang ahensiya ang kanilang isinusulong na ‘motorcycle taxi regulation.’
Sinabi ni Transport Watch convenor George Royeca, kanilang hiniling na gaya ng Uber at Grab, payagan rin ang motorcycle taxis at sinisiguro nilang magiging ligtas ang sinomang isasakay rito.
“Transport Watch initiated the petition to show that thousands of motorcycle drivers and concerned commuters believe that the government should immediately take steps to pursue the regulation of motorcycle taxis,” paliwanag ni Royeca.
Iginiit Royeca, bago maging miyembro ang isang motorcycle taxi ay tinitiyak nila na daraan muna ang rider sa “butas ng karayom” para sa masusing proseso.
(ALMAR DANGUILAN)