MATATAGALAN bago makabangon ang isinusulong na pagbabago ng Saligang Batas tungo sa Federalismo dahil sa karumal-dumal na sex-oriented video ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na kumalat sa social media.
Hindi madaling mabubura sa isip publiko ang mantsang idinulot ng video ni Uson at ng siyokeng alalay niya sa nababoy na draft ng bagong Saligang Batas na pinaghirapan pa man din ng mga kagalang-galang na Consultative Committee (Con-com) na pinamunuaan nina retired Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno at dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel, Jr., sa loob ng ilang buwan.
Sinong hangal ang magsasabing hindi kahindutan ang “I-pepe, i-pepe, i-dede, i-dede, i-pepe-pepe-pepederalismo” sa video ni Uson at ng kanyang alalay na siyoke ay tumutukoy sa isinusulong na Federalismo?
Mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) bilang lead agency na kakampanya sa Federalismo ay umamin na nayurakan ang isinusulong na pagbabago sa Saligang Batas.
Desmayado si Assistant Secretary Epimaco Densing III, aniya: “Medyo nagkaroon ng damage at maraming sumama ang loob. Medyo nagkaroon ng konting lamat.”
Bakit ba sa mga bagay na may kaugnayan sa sex ang laging nasa kukote ni Uson at ng mga manyakol sa PCOO?
Imposible naman yatang napagkamalan ni Uson na Konstitusyon ang iniutos na ikampanya ng PCOO – hindi prostitusyon.
ANDANAR, USON, GENEROSO:
MAKAKAPAL ANG APOG
HUGAS-EKLOG na naman ang wala rin silbing amo ni Uson na si PCOO Sec. Martin Andanar para dumistansiya sa panibago at nilikhang kabuwisitan sa administrasyon ng kanyang tanggapan na bumalandra sa administrasyon.
Ibinibintang ni Andanar ang sisi kay Ding Generoso, spokesman ng Con-com, matapos mabulyawan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at makuwestiyon sa pagkakatalaga kay Uson na ikampanya ang pagbabago sa Saligang Batas tungo sa Federalismo.
Kung ‘di ba naman talagang puro kapalpakan lang lagi itong si Andanar, kesyo pinagsabihan na raw niya si Generoso gayong hindi niya ito sinaway bago nayurakan ang isinusulong na Federalismo.
Samantala mahigit isang linggo na lumabas sa media ang pahayag ni Generoso kay Uson na napili niyang kumampanya para sa Federalismo dahil sa milyones daw na following nito sa social media.
Bakit ngayon lang sasawatain ni Andanar ang pangahas na si Generoso at inantay pa niya na makagawa muna ng malaking prehuwisyo si Uson bago kumilos?
Alam natin na wala sa bokabularyo nina Andanar, Uson at Generoso ang salitang delicadeza kaya’t wala tayong inaasahang may magbibitiw sa kanila na pawang kapit-tuko sa puwesto, kahit pag-untogin pa ni Pres. Digong at ni SAP Bong Go ang kanilang mga ulo.
Kaya’t iisa lang ang tanong nang lahat, sisibakin ba sina Andanar, Uson at Generoso?
P100-M PINAG-AAWAYANG
PONDO SA INFO DRIVE
PARA SA FEDERALISMO
HINDI tayo naniniwala na may ibang makapagpapaliwanag sa pagbabago ng Saligang Batas tungo sa Federalismo kung ‘di ang mga mismong may akda ng panukala.
Kahit ang DILG ay walang karapatang pamunuan ang kampanya kung hindi kasama ang mga miyembro ng Con-com na silang dapat magpaliwanag sa mga babaguhing probisyon na sila rin ang may panukala.
Hindi pa man ay pinag-aawayan na nga ang P100 milyones na inilaang budget para sa information campaign ng Federalismo na delikadong mapagsamantalahan lang ‘pag nagkataon.
Santisima!
KALAMPAG
ni Percy Lapid