Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

75-taon kontrata ng Nayong Pilipino para sa casino tablado sa Pangulo

HABANG masayang idinaraos ng Nayong Filipino Foundation (NPF) ang groundbreaking ng kanilang proyekto sa Chinese casino investor Landing Resorts Philippines Development Corp., sa Entertainment City, kasama si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chair Didi Domingo, inihayag naman ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na sinisibak na niya ang mga opisyal ng nasabing foundation dahil pumasok sa isang kontratang ‘grossly disadvantageous’ sa pamahalaan.

Ang sakit naman!

Talagang tanggal ang ‘mukha’ ng mga matatakaw sa kuwarta sa ginawa ng Pangulo.

Alam ba ninyo kung itong ‘grossly disadvanta­geous’ contract na ito?!

‘Yan po ang 75-year long-term lease contract para gamitin ang nasabing propriedad ng gobyerno.

E kasi naman, ilang beses nang sinabi ng Pangulo na ayaw niya ng casino, e bakit ba patuloy na naggigiit ang PAGCOR na dagdagan pa ang mga casino sa bansa?

“I hate gambling!” sabi ni Tatay Digong.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, gusto ng Pangulo na kanselahin ang 70-year lease contract na “grossly disadvantageous” sa pamahalaan.

E mantakain n’yo naman, 75 years?!

Ibig sabihin ‘yung batang isisilang ngayon, kapag umabot na siya sa edad 75 anyos, noon pa lang din matatapos ang kontrata ng Chinese casino investor Landing Resorts Philippines Development Corp., sa Nayong Filipino Found­ation.

Ang hindi naman natin maintindihan, bakit patuloy na pumapasok sa mga ganitong klase ng kontrata si PAGCOR chair, Madam Didi Domingo gayong siya ang kinatawan ng gobyerno at dapat ay hindi niya nakakalimutan kung ano ang bilin ng Pangulo?!

Hindi ba nakikita ni Madam Didi kung gaano kaagrabyado ang gobyerno sa kontratang ‘yan?!

Itatayo raw ang US$1.5-bilyong Nayon Filipino theme park, convention center, hotels, offices at commercial facilities sa nasabing 100,000 square-meter solar malapit sa Entertainment City.

Klarong-klaro na ang solar na ‘yan ay ilalaan purely for entertainment business at ang malaking pagkakakitaan diyan ay casino.

So ibig sabihin, ‘yung ibang amenities ay added features lang, pero casino talaga ang ipu-push diyan dahil ‘yun lang naman ang rason kung bakit kausap nila ang PAGCOR.

Ang problema, ayaw nga ni Pangulong Digong, e.

So paano ba ‘yan, Madam Didi? Better luck next time?!

Pansamantala, kumembot-kembot at mag-aliw-aliw muna kayo sa ballroom para mabawasan ang stress ninyo.

‘Yun lang!

Sa ikalawang
pagkakataon

TAGUIG GINAWARAN
NG CROWN
MAINTENANCE
AWARD

WHEN it rains, it pours…

Kaya hayan bumubuhos ang biyaya sa Taguig.

Sa magkasunod na taon, kinilala ang Taguig City dahil sa mabisa at maayos na mga programang pang-nutrisyon sa lungsod.

Isa ang Taguig sa mga kinilala bilang 2nd Year Consistent Regional Outstanding Winners in Nutrition (CROWN) Maintenance sa ginanap na 2018 Nutrition Awarding Ceremony sa Philip­pine International Convention Center, Pasay City nitong 31 Hulyo 2018.

Sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, nag-iisa ang Taguig City sa biniyayaan ng nasabing pagkilala.

“It is an honor for our beloved city to receive its 2nd Year CROWN Maintenance Award — an award that serves as a testament to our city’s collaborative hard work in providing quality health programs for our constituents,” wika ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.

Isang plaque at cash prize na P200,000 ang iginawad ng National Nutrition Council nitong nakalipas na Martes sa mga miyembro ng Taguig City Nutrition Committee.

Kinilala sa nasabing awarding ang mga programa ng Taguig kasama na ang mabisang pagsugpo sa malnutrition — ang  ”Laging Alagaan Nutrisyon ni Inay” na ang mga buntis na magulang, lalo ang mga teenager ay tinuturuan ng balanseng pagda-diet at malusog na pamumuhay upang masiguro ang maayos na pagdadalang tao.

Kasama rin ang “Operation Timbang Plus” (OPT+), na ang timbang at taas ng mga batang limang taon pababa ay itinatala upang masubaybayan ang kondisyon ng nutrisyon nila lalo ang mga underweight, severely underweight, wasted, severely wasted, stunted, severely stunted,  overweight, obese, at normal.

Mula rito ay ipapatupad sa mga nasabing bata ang mga tamang programang magbabalik sa kanila sa normal na kalagayan. Kasama na rito sa programa ang exclusive breastfeeding para sa mga sanggol mula 0 hanggang 6 na buwan, at iba pang mga angkop na com­plementary feeding program.

Mayroon din ang Taguig ng Dietary Sup­plement­ation Program na ang mga under­nourished na kabataan sa lungsod ay pinapakain nang sapat at maayos sa magkakasunod na 120 araw upang ibalik ang kanilang nutrisyon sa katawan at manumbalik ang tamang timbang.

Hinihikayat din ng lungsod ang mga pamilya na may mga anak na bata na maglagay sa kanilang lugar ng sariling urban community vegetable gardens sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga punla at iba pang planting materials at tinuturuan pa sila ng tamang paraan ng pagtatanim o farming.

“I am beyond grateful to all those involved that we have achieved this prestigious recognition. With this outstanding collaborative effort, we are now one step closer in achieving the National Nutrition Council’s top award – the Nutrition Honor Award, which will serve as a legacy that our administration never stops its fight against malnutrition,” ani Mayor Lani.

Dahil sa paggawad ng 2nd Year CROWN Maintenance Award, hinahangad ng Taguig ang prestishiyosong Nutrition Honor Award, ang pinakamataas na pagkilala na iginagawad ng NNC sa mga dati nang nabigyan ng CROWN Award.

Sa kabila nito, nakakuha rin sa tatlong magkakasunod na taon (2013 to 2015) ang Taguig City ng Green Banner award na ibinigay ng NNC-National Capital Region (NNC-NCR). Ang award na ibinibigay sa mga local government unit ay pagkilala sa mabisa at organisadong pagpapatupad ng mga programang pang-nutrisyon.

Dahil sa sunod-sunod na pagkilala, dito na nakilala at nabigyan ang Taguig ng CROWN Award noong 2016 at 1st Year CROWN Maintenance Award noong 2017.

Sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Lani, naranasan ng siyudad ang pagbaba ng bilang ng malnutrisyon sa Taguig mula 3.82 percent noong 2011 ay bumaba ito ng 0.22 percent ngayong 2018.

Kamakailan, ang NNC-NCR ay kinilalang muli ang Taguig City Nutrition Committee at binigyan ng Certificates of Recognition sa pagiging Best in Documentation, Best in Resource Generation and Mobilization sa ginanap na Regional Nutrition Awarding Ceremony ng National Nutritional Council sa Heritage Hotel, Pasay City nitong 27 Hulyo 2018.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *