AMINADO si Senate President Vicente Tito Sotto III na matagal nang nangyayari ang bentahan ng data base ng ilang tiwaling taga-Comelec at mga dealer, tulad nang ibinunyag sa Senate hearing ni Atty. Glenn Chong ng Tanggulang Demokrasya.
Ayon kay Sotto, marami na rin ang nagbanggit sa kanya ng ganoong uri ng dayaan tulad sa Nueva Ecija at Iloilo na mismong mga dealer at tiwaling Comelec ang nag-aalok nito.
Kasabay nito, hinikayat ni Sotto ang Comelec na imbestigahan ang pagbubunyag ni Chong.
Naniniwala si Sotto na dahil sa pagkakaroon ngayon ng DITC ay mayroon nang mag-o-oversee ng ginagawa sa computerization ng halalan.
Pagkakaalam ni Sotto, madalas na nangyayari ang dayaan sa data base sa mga lokal na pamahalaan, katulad ng paglilipat sa ibang presinto ng ilang botante na hindi boboto sa isang kandidato.
Kapag nagkaganoon, hindi makikita ng botante ang pangalan niya sa inaasahang presinto at hindi makaboboto na papabor sa kalabang kandidato ng isang kandidato na kumagat sa alok na bentahan ng data base. (C. MARTIN)