READ: DENR nakatutok sa Boracay rehab (CAAP Kalibo Airport nganga pa rin!?)
LAGI kasing naka-chin-up si Assistant Secretary Mocha Uson at laging malayo ang tanaw kaya hindi niya napansin na may natapakan siya pero hindi man lang siya nag-aalala kung ano ang kanyang nayapakan…
Sayang, kasi kung tsinek niya, malalaman niya na ‘utak’ na pala niya ‘yung naapakan ng kanyang talampakan.
Araguy!
Joke lang po ‘yan pero mukhang malapit sa katotohanan.
Mukhang mismong si Asec. Mocha Uson ay hindi alam kung ano ang federalismo pero hindi ito ang kanyang malaking pagkakamali…
Ang malaking pagkakamali ni Asec. Mocha ay hayaan ang isang social media host na si Drew Olivar na umaktong ‘inilalako’ ang maseselang bahagi ng katawan ng isang babae na kahalintulad ng paraan kung paano inilalako ang ‘federalismo’ ng kasalukuyang administrasyon.
Isang malaking pagkakamali ni Mocha ‘yan bilang opisyal ng gobyerno at bilang isang babae.
Ibig nating sabihin, kung ibinebenta sa ‘mumurahing’ paraan ng kasalukuyang administrasyon ang federalismo, ganoon din inihalimbawa ng tao ni Uson na si Drew Olivar ang maituturing na ‘sagradong’ bahagi ng katawan ng isang babae.
Sagrado dahil ang itinuturong ‘pepe’ ni Olivar sa bahagi ng katawan ay tumutukoy sa vagina — ang pinagluluwalan ng isang tao palabas sa mundo mula sa sinapupunan ng isang ina.
Ang itinuro namang dede (breast) ni Olivar ay bahagi ng katawan ng isang babae (ina) na dinadaluyan ng gatas bilang pagkain ng kanyang bagong luwal na sanggol.
Ang maling pagkaunawa sa federalismo ay madaling ituwid lalo na kung kasado naman ang kanilang ‘propaganda’ machinery para ilako ito sa mga mamamayan.
Madali itong maipapaliwanag gaya sa isang “crash course” na tinatalakay sa loob ng isang maghapon o tatlong araw o isang buwan.
Pero nakatatakot ang maling trato sa sagradong mga bahagi ng katawan ng isang babae, dahil ang ganitong pananaw ay nakaugat sa kultural na pagkakamali kung paano itrato ng isang tao ang babae.
Kumbaga, kinalakihan at baka buong pamilya ay ganoon ang pananaw sa kababaihan.
Kung tutuusin, mukhang nasa millennial age si Olivar, pero nakagugulat na sa edad niyang iyon ay hindi siya mulat sa progresibo at wastong pagtingin sa kababaihan.
Gaya ni Mocha na isang babae, mukhang nagkakasundo ang ‘utak’ nila (kung hindi pa ito nalalaglag) ni Olivar na ang babae ay isang aliwan.
Hindi ba’t ganito itrato ni Mocha ang kanyang sarili? Ang gamitin ang kanyang katawan at itsura para ipang-aliw sa mga manonood?!
Ang reaksiyon ng mga politiko na pro-federalismo at maging mga anti-federalismo o Charter change ay normal na reaksiyon dahil concern sila sa isyu kung paano ito ipapaliwanag sa mamamayan on layman’s term.
Ang pagtatatwa ni Secretary Martin Andanar at disgusto ng iba pang opisyal ng Duterte administration kay Mocha ay masasabing reaksiyon ng mga ayaw madamay sa kahihiyan, hindi pa dahil concern sila sa federalismo o sa kababaihan.
Kundi ayaw nilang masabi na kapantay silang mag-isip ni Mocha, bakit, hindi ba?!
Pero kung ang mismong itinalaga ng administrasyon na tagapagpaliwanag na si Mocha ay hindi gagap o nauunawaan ang kanyang pagkababae — maasahan pa ba ninyong maipaliwanag niya sa sambayanang Filipino nang lohikal (o makatuwiran) at wasto ang federalismo?!
PCOO chief, Secretary Andanar, pakitingnan nga kung ano ang nasa ilalim ng talampakan mo ngayon — baka naapakan mo na rin ‘yang kukote mo!
Arayku!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap