LAGI kasing naka-chin-up si Assistant Secretary Mocha Uson at laging malayo ang tanaw kaya hindi niya napansin na may natapakan siya pero hindi man lang siya nag-aalala kung ano ang kanyang nayapakan…
Sayang, kasi kung tsinek niya, malalaman niya na ‘utak’ na pala niya ‘yung naapakan ng kanyang talampakan.
Araguy!
Joke lang po ‘yan pero mukhang malapit sa katotohanan.
Mukhang mismong si Asec. Mocha Uson ay hindi alam kung ano ang federalismo pero hindi ito ang kanyang malaking pagkakamali…
Ang malaking pagkakamali ni Asec. Mocha ay hayaan ang isang social media host na si Drew Olivar na umaktong ‘inilalako’ ang maseselang bahagi ng katawan ng isang babae na kahalintulad ng paraan kung paano inilalako ang ‘federalismo’ ng kasalukuyang administrasyon.
Isang malaking pagkakamali ni Mocha ‘yan bilang opisyal ng gobyerno at bilang isang babae.
Ibig nating sabihin, kung ibinebenta sa ‘mumurahing’ paraan ng kasalukuyang administrasyon ang federalismo, ganoon din inihalimbawa ng tao ni Uson na si Drew Olivar ang maituturing na ‘sagradong’ bahagi ng katawan ng isang babae.
Sagrado dahil ang itinuturong ‘pepe’ ni Olivar sa bahagi ng katawan ay tumutukoy sa vagina — ang pinagluluwalan ng isang tao palabas sa mundo mula sa sinapupunan ng isang ina.
Ang itinuro namang dede (breast) ni Olivar ay bahagi ng katawan ng isang babae (ina) na dinadaluyan ng gatas bilang pagkain ng kanyang bagong luwal na sanggol.
Ang maling pagkaunawa sa federalismo ay madaling ituwid lalo na kung kasado naman ang kanilang ‘propaganda’ machinery para ilako ito sa mga mamamayan.
Madali itong maipapaliwanag gaya sa isang “crash course” na tinatalakay sa loob ng isang maghapon o tatlong araw o isang buwan.
Pero nakatatakot ang maling trato sa sagradong mga bahagi ng katawan ng isang babae, dahil ang ganitong pananaw ay nakaugat sa kultural na pagkakamali kung paano itrato ng isang tao ang babae.
Kumbaga, kinalakihan at baka buong pamilya ay ganoon ang pananaw sa kababaihan.
Kung tutuusin, mukhang nasa millennial age si Olivar, pero nakagugulat na sa edad niyang iyon ay hindi siya mulat sa progresibo at wastong pagtingin sa kababaihan.
Gaya ni Mocha na isang babae, mukhang nagkakasundo ang ‘utak’ nila (kung hindi pa ito nalalaglag) ni Olivar na ang babae ay isang aliwan.
Hindi ba’t ganito itrato ni Mocha ang kanyang sarili? Ang gamitin ang kanyang katawan at itsura para ipang-aliw sa mga manonood?!
Ang reaksiyon ng mga politiko na pro-federalismo at maging mga anti-federalismo o Charter change ay normal na reaksiyon dahil concern sila sa isyu kung paano ito ipapaliwanag sa mamamayan on layman’s term.
Ang pagtatatwa ni Secretary Martin Andanar at disgusto ng iba pang opisyal ng Duterte administration kay Mocha ay masasabing reaksiyon ng mga ayaw madamay sa kahihiyan, hindi pa dahil concern sila sa federalismo o sa kababaihan.
Kundi ayaw nilang masabi na kapantay silang mag-isip ni Mocha, bakit, hindi ba?!
Pero kung ang mismong itinalaga ng administrasyon na tagapagpaliwanag na si Mocha ay hindi gagap o nauunawaan ang kanyang pagkababae — maasahan pa ba ninyong maipaliwanag niya sa sambayanang Filipino nang lohikal (o makatuwiran) at wasto ang federalismo?!
PCOO chief, Secretary Andanar, pakitingnan nga kung ano ang nasa ilalim ng talampakan mo ngayon — baka naapakan mo na rin ‘yang kukote mo!
Arayku!
DENR NAKATUTOK
SA BORACAY REHAB
(CAAP KALIBO AIRPORT
NGANGA PA RIN!?)
OPISYAL na nga raw na bubuksan sa madla sa darating na 26 Oktubre 2018 ang isla ng Boracay.
Ito ang statement na binitiwan ni Department of Environment and Natural Resources Roy Cimatu kamakailan matapos ang anima na buwang rehabilitasyon nito.
“I would like to say categorically that we will be opening Boracay on October 26,” ito ang pangakong binitawan ng Kalihim sa mga miyembro ng House Committee on Natural Resources sa kanilang naganap na meeting.
Kasalukuyang nagsasagawa ng update ang mga miyembro ng kamara kaugnay ng mga natapos na impovements at rehabilitasyon nito.
Ayon din kay DENR Assistant Secretary Joan Lagunda, natapos na raw nila ang paglalagay ng mga social safety nets, livelihood and employment assistance na magsisiguro sa pangangalaga ng kalusugan at kalinisan ng isla.
Nagawa rin daw nila na solusyonan ang magiging traffic sa lugar sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tamang batas, pakikipag-ugnayan sa stakeholders at mga mamamayan ng isla para sa tamang estratehiya ng komunikasyon, at tamang ecosystem rehabilitation at iba pang recovery program.
Ipinag-utos din ng DENR sa mga katabing komunidad na pangalagaan ang kanilang natitirang kagubatan at proteksiyonan para na rin sa kanilang kapakanan at hindi na maulit pa ang pang-aabuso sa lugar.
Sa dami ng nai-discuss na bagay na teknikal ng mga opisyal ng DENR, inaasahan na tuluyan nang maibabalik ang kagandahan at kaayusan ng isla.
Ayos ka DENR Sec. Roy Cimatu!
Samantala, kumusta naman kaya ang rehabilitasyon ng Kalibo International Airport (KIA)?
Magtatatlong buwan na pero bakit tila ang building lang ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang ipinagagawa?
Hanggang ngayon ay wala pa rin daw inaayos sa airport at tanging ang opisina ng Bureau of Immigration ang tanging gumagawa ng sarili nilang improvements at rehabilitasyon?
Makailang ulit na nating kinalampag ang Kalibo-CAAP sa bagay na ‘yan bunsod din ng mga reklamo nating natatanggap tungkol sa luma o outdated nilang pasilidad.
Ito ay kahiya-hiya sa mata ng hindi komportableng mga turista!
Balita natin ay puro karate lessons at massage training ang ginagawa ngayon sa nasabing airport!?
Susmaryosep!
Sino ba ang pinaghahandaan nila at martial arts ang pinagagawa sa mga tao riyan?
Gagawin bang arena ng Mixed Martial Arts ang KIA?
Sandali lang at magbubukas na ang Boracay pero hanggang ngayon ay wala pa yata kayong nagagawang pagbabago sa airport terminal?
Hindi komo tag-ulan ay puwede na kayong matulog sa pansitan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap