READ: Sunshine, parang kapatid lang ang mga anak
SABI ng isang marketing man ng pelikula na nakakuwentuhan namin, mas maraming pelikula ang bumabagsak ngayon dahil sa mga bagong economic measures ng gobyerno kagaya niyang TRAIN Law. Tumaas na naman kasi ang cost of production dahil sa raw materials, transportation at iba pang gastusin. Mababawasan namang lalo ang manonood dahil tataas na naman ang admission prices ng mga sinehan dahil sa mga bagong tax na ipinataw. Ang resulta niyan, lalong mangangamote ang film industry.
“Mas magiging matindi pa iyan dahil parehong nagsabi na ang mga namumuno ng senado at ng kamara na ipapasa nila ang Train 2,” sabi pa niya sa amin.
Pero iba ang pananaw ni Congresswoman Vilma Santos.
“Ang mga taga-showbiz dito sa atin, mga survivor iyan eh. Bigyan mo na ng pinaka-matinding problema, basta taga-showbiz maidaraos iyan. Kahit naman noong araw nagkaroon tayo ng mga ganyang problema, pero nag-survive ang industriya. Kasi gagawa at gagawa sila ng paraan. Hindi papayag ang mga taga-showbiz, lalo na ang mga artista na basta ganoon na lang.
“Totoo na magkakaroon iyan ng epekto sa pelikula. Pero may telebisyon naman tayo ngayon. May mga serye. Kahit paano sila rin naman ang mga taong kumikilos doon eh. Pero iyang pelikula, ano man ang sabihin ninyo, may gagawa pa rin.
“Totoong malaki ang kaibahan ngayon. Noong araw kasi, nasanay tayo na basta bumababa ang industriya, kailangan lang gumawa ng pelikula si FPJ o kaya si Mang Dolphy, makababawi na. Ngayon naiba na ang sitwasyon, pero may mga malalaking box office stars namang bago, kaya ang paniwala ko magsu-survive pa rin ang industriya no matter what, “sabi ni Ate Vi.
Sana nga ganoon ang mangyari.
HATAWAN
ni Ed de Leon